585 total views
Ikinagalak ni Bishop Oscar Jaime Florencio ng Military Ordinariate of Philippines na umabot sa P 13-milyong piso ang koleksyon ng Pondo ng Pinoy ngayong taong 2021 sa kabila ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Bishop Florencio, isang biyaya mula sa Panginoon na matipon ang nasabing halaga sa pamamagitan lamang ng bente singko sentimos at mga maliiit na donasyon mula sa mga Filipino.
Naniniwala ang Obispo na hindi pa rin maisasantabi ang kagustuhan ng marami sa mga Katoliko na sa kabila ng mahirap na pamumuhay ay makapagbahagi pa rin sa kanilang kapwa.
“Actually napakalaki ng nalikom natin umabot ito ng P 13 million pesos tignan mo ito ay maliit na mga bagay. Hindi ito galing sa mayayayaman. Although mayaman kaya magbigay agad ng mayaman pero ito po nanggagaling sa mga kapatid natin na payak at nakalikom tayo ng ganito kalaki in a year,” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng programang Caritas in Action.
Ang nasabing pondo ay ginamit ng Pondo ng Pinoy sa iba’t-ibang mga programa gaya ng scholarship, feeding, livelihood assistance at maging sa pagbibigay ng ayuda sa mga naapektuhan ng kalamidad.
“Yung mga bagay na malalaki yung mga buildings lahat yan nagsisimula sa maliit minsan nakakalimutan natin magsimula sa maliit na bagay, wag natin kalimutan ang mga malaking bagay ang malaking proyekto nagsisimula sa maliit na bagay kaya nga sa pondo ng Pinoy kaunting tulong man pero malimit kahit piso at naiipon malaking tulong,” dagdag pa ng Obispo na siyang kasalukuyang treasurer ng Pondo ng Pinoy.
Magugunitang dahil sa COVID-19 Pandemic ay maraming mga Simbahan ang nilimitahan ang pagtanggap ng mga nagsisimba habang kasalukuyan pa rin nasa online learning ang lahat ng mga katolikong paaralan sa bansa.
Hinimok ni Bishop Florencio ang mga Katoliko na ngayong panahon ng Adbiyento ay patuloy na maglaan ng maitutulong sa mga nangangailangan.
“Importante ngayon Adbiyento naghahanda tayo sa pagsilang ng Panginoon ay ang pagbibigay kasi mismo si Hesus siya ay bigay sa atin. Tignan mo ang liit na bata, ang Niño Hesus ganun din ang diwa ng Pondo ng Pinoy kahit maliit basta malimit yan ay patungong langit.”
Taong 2004 nang ilunsad ni noo’y Manila Arcbishop Gaudencio Cardinal Rosales ang Pondo ng Pinoy kung saan hinihikayat ang mga Katoliko na magtipon ng bente singko sentimos na siyang naging daan sa maraming proyekto ng Simbahang Katolika.