386 total views
Labis ang pasasalamat ng Bureau of Fire Protection sa pagdalaw ng kinatawan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Pilipinas.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Chief Supt. Wilberto Rico Neil Ang Kwan Tiu, Deputy Chief for Operations ng BFP sinabi nitong nagpapatibay sa pagnanais na maglingkod sa pamayanan ang pagbisita ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown sa BFP National Headquarters sa Quezon City.
Ayon kay Kwan Tiu isang biyaya sa mga kawani ng BFP ang mabigyang pagkakataon na makadaupang palad ang kinatawan ng Santo Papa sa bansa.
“I would like to extend once again our thanks and deep appreciation for the presence of our Papal Nuncio; the homily really strengthen the faith of the fire service ito lang kasi ang pinanghawakan ng lahat it really fits in what the fire service can contribute to the community especially in saving lives and property,” pahayag ni Kwan Tiu sa Radio Veritas.
Ang pagbisita ni Archbishop Brown sa BFP nitong December 7 ay bahagi ng paghahanda sa kapanangakan ni Hesus kung kailan ginanap din ang Advent recollection ng mga kawani sa pangunguna ni Father Hans Magdurulang.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na dumalaw ang Nuncio sa tanggapan ng uniformed agency.
Binigyan ng ‘arrival honors’ ng BFP ang Nuncio bilang pagkilala at pasasalamat sa opisyal ng Simbahan sa pagdalaw.
Ang BFP ang kauna-unahang sakop ng military diocese na nagbigay ng ‘arrival honors’ sa kinatawan ng Santo Papa sa bansa.
Tiniyak ni Kwan Tiu sa mga kapwa kawani ng BFP lalo na sa mga rehiyon ang patuloy na panalangin ni Archbishop Brown para sa kaligtasan mula sa panganib sa bawat pagtugon sa tawag ng paglilingkod.
“Gaya nga ng sinabi ng ating Nuncio, siya ay patuloy na manalangin sa buong kawani, buong ahensya ng BFP na maging ligtas, lalo na sa pagreresponde,” ani Kwan Tiu.
Ang Bureau of Fire Protection ay binubuo ng humigit kumulang 32-libong kawani na pinamumunuan ni Director Louie Puracan.