268 total views
Aktibo pa rin ang Diyosesis ng Kalookan sa pakikipagtulungan sa Caloocan City government sa pagsasagawa ng vaccination drive laban sa COVID-19.
Ayon kay Kalookan Diocesan Health Care Ministry head Father Rene Richard Bernardo, patuloy na ipinapagamit ng diyosesis ang mga pasilidad ng simbahan upang maging vaccination sites sa lungsod.
Sinabi ni Fr. Bernardo na nakibahgi ang diyosesis sa ginanap ang national vaccination days ng pamahalaan noong November 29 hanggang December 1 kung saan marami ang mga nagpalista at nabahaginan ng bakuna kontra virus.
“Sa kasalukuyan po, 11 pa rin po ang ating parish sites ang ating ibinabahagi sa vaccination at nitong nakaraan pong national vaccination days, marami po ang nabakunahan. Punong-puno po ang mga facilities ng simbahan.” pahayag ni Fr. Bernardo sa panayam ng Radio Veritas.
Kabilang sa mga parokyang itinalaga bilang vaccination centers ng Diyosesis ay ang mga sumusunod:
Sa Caloocan ay ang San Roque Cathedral; Saint Gabriel the Archangel Parish; Shrine of Our Lady of Grace Parish; San Ezekiel Moreno Parish; at Notre Dame of Greater Manila. Sa Malabon naman ay ang Saints Peter and John Parish sa Potrero; San Antonio de Padua sa Barangay Tonsuya, Immaculate Conception Parish sa Concepcion; Immaculate Heart of Mary Parish sa Maysilo; at ang San Bartolome Parish de Malabon.
Habang sa lungsod naman ng Navotas ay ang San Jose Academy lamang. Samantala, batay sa huling tala ng Caloocan City LGU, nasa higit 2-milyong indibidwal na ang nabakunahan ng COVID-19 vaccine sa lungsod.
Sa nasabing bilang, nasa 1.08 million o 90 percent ng 1.2 million na target population ng lungsod ang nakatanggap na ng first dose, higit 900-libo o 77 percent ang kumpleto na sa bakuna; at nasa 16,000 naman ang nakatanggap na ng booster shots.