400 total views
Hinihimok ng Alyansa Tigil Mina ang mga Filipino na pag-isipan at piliing mabuti ang mga kandidatong nararapat ihalal bilang mga susunod na pinuno ng bansa na bibigyang-pansin ang kapakanan ng kalikasan.
Ayon kay ATM National Coordinator Jaybee Garganera, dapat nang paghandaan ng mga Filipino ang 2022 National and Local elections kung saan dapat mahalal ang mga kandidatong kasama sa plataporma ang pangangalaga at pagpapanatili sa mga likas na yaman ng bansa.
“We must be able to elect leaders who will preserve, protect and promote sustainable development and environmental protection, as enshrined in our 1987 Constitution,” pahayag ni Garganera.
Iginiit ni Garganera na ang kalikasan ang higit na naaapektuhan tuwing pinag-uusapan ang pagbuhay sa ekonomiya ng bansa lalo na ngayong umiiral ang krisis dulot ng COVID-19 pandemic.
Ang pagmimina ang isa sa mga isinasaalang-alang ng pamahalaan na malaki ang maiaambag upang mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Binigyan diin ng ATM na taliwas ito dahil lalo lamang magdudulot ng paghihirap at pagdurusa sa bansa at mamamayan sa paglipas ng panahon.
“At a time when we need to reduce deforestation and address permanent land-use change in our mountains, coastal areas and island ecosystems, prioritizing the mining industry is a misplaced track to deliver a just recovery for the Filipinos,” giit ni Garganera.
Matatandaang nitong Abril ng kasalukuyang taon nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 130 na winakasan ang nine-year mining moratorium na pinangangambahang higit na magdudulot ng malawakang pinsala sa kalikasan.
Sang-ayon naman sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco, mariin nitong tinututulan ang industriya ng pagmimina dahil nag-iiwan lamang ito ng labis na pinsala sa mga komunidad at nakadaragdag sa labis pang paghihirap ng mamamayan.