509 total views
Ihinahayag ng kinatawan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Pilipinas ang kahalagahan ng buhay ng bawat mamamayan.
Sa Banal na Misa para sa ikalawang araw ng Kapistahan ng Inmaculada Concepcion sa Malabon nitong December 9, ibinahagi ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown na isa sa mahalagang sangkap sa buhay ng tao ang tubig kung saan sa binyag sinasagisag nito ang bagong buhay na hatid ng Panginoong Hesus.
“Through waters in baptism, a new kind of life begins in us; spiritual life, divine life, and life of God’s grace,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Brown.
Tugma rin ang pagninilay ng Arsobispo sa paglalaan ng simbahan sa ikalawang araw ng kapistahan bilang ‘Pista ng mga Mangingisda’ na pagkilala sa mahalagang tungkulin ng mga mangingisda sa kinasasakupang komunidad.
Inihayag ni Archbishop Brown na matatagpuan sa karagatan o anumang anyong tubig ang iba’t ibang uri ng buhay na nilikha ng Panginoon bilang kaloob sa sangkatauhan.
Ipinaliwanag ng opisyal na lahat ng uri ng buhay na matatagpuan sa mundo ay nararapat pahalagahan sapagkat ito ay natatanging kaloob ng Diyos sa sangkatauhan.
“The oceans are teeming of life, different forms of fish; we see the oceans filled with life because it is surrounded by water and water gives life, all of these are natural life,” ani ng Nuncio.
Kinilala rin ni Archbishop Brown ang mahalagang papel ng Mahal na Birheng Maria bilang ‘Mother of Divine Grace’ dahil sa matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos na dalhin sa sinapupunan ang tutubos sa sangkatauhan.
Makalipas ang 135 taon mula ng maitatag ng mga Agustinong misyonero ang simbahan ng Inmaculada Concepcion sa Malabon, pormal na itong itinalagang Pangdiyosesanong Dambana nitong December 8, 2021 sa seremonyang pinangunahan ni CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Dr. Zenaida Gonzales, dating Parish Pastoral Council Chairperson ng parokya, sa nakalipas na 12 taon, ang pagdedebosyon kay Maria ang nakatutulong sa kanyang mapalakas ang pananampalataya sa kabila ng iba’t ibang hamong kinakaharap sa buhay.
“I think we should have a strong love for Mama Mary to think if we really invoke her, she will really help us bring closer to her son Jesus,” pahayag ni Gonzales.
Pagbabahagi pa ni Gonzales na malaking hamon sa kanyang pananampalataya lalo’t lumaki ito sa pamilyang iba ang paniniwala subalit sa tulong at pamamagitan ng Inmaculada Concepcion ay nanatiling matibay ang pundasyon ng kanyang pananampalataya sa Panginoon.
Ipinagpaliban naman ng simbahan ngayong taon ang nakaugaliang ‘fluvial procession o pagoda festival’ sa imahen ng Mahal na Birhen upang maiwasan ang pagdagsa ng mga deboto at matiyak ang kaligtasang pangkalusugan ng mananampalataya.
Nagpasalamat naman si Father Joey Enriquez, Rector at Parish Priest ng Dambana sa lahat ng mananampalataya na tumulong upang maisakatuparan ang pagkilalang Pangdiyosesanong Dambana ng simbahan.