461 total views
Panagutin ang mga ahensya at mga opisyal ng pamahalaan na mapapatunayang nasangkot sa katiwalian.
Ito ang pagninilay ni kay Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ngayong Ikatlong linggo ng adbiyento o Gaudete Sunday.
“Napakalaki at napakaraming mga issues ng corruption sa pamahalaang ito, at walang naipapakulong dahil sa corruption. Pinagtatanggol pa ang mga corrupt na kaibigan at binabalingan ang mga ahensiya na nagsasalita at nag-iimbistiga tulad ng Commission on Audit at mga media organization,” bahagi ng pagninilay ng Obispo.
Binigyang diin ni Bishop Pabillo na ang laganap na korapsyon sa pamahalaan ang dahilan kung bakit maraming mamamayan ang nakakaranas ng labis na paghihirap.
Tinukoy ng Obispo ang maraming likas na yaman na taglay ng bansa na napupunta lamang sa katiwalian sa halip na ilaan sa pangangailangan ng lipunan.
“Pinagpala ng Diyos ang Pilipinas, ngunit bakit maraming mga Pilipino ay mahihirap? Kasi laganap ang corruption. It is the poor who suffer from corruption. Ang pera ng bayan na dapat pumunta sa serbisyo ng tao ay na co-corrupt ng iilang mga tao,” ayon pa sa Obispo.
Nanawagan din si Bishop Pabillo sa mga ahensya at itinalagang sangay ng gobyerno na naniningil ng buwis na maging makatarungan sa pangongolekta ng buwis.
“Nagtanong naman ang mga publikano, ang mga nangungulekta ng buwis – ano ang dapat naming gawin? Maging makatarungan kayo! Huwag mangulekta ng labis. Sumingil lang ng nararapat. Magbabayad pa rin ng buwis ang mga tao pero huwag namang pasobrahan ang singil. Maging makatarungan, at marami ay masisiyahan. Hindi naman mahirap ang Pilipinas” Ani Bishop Pabillo.
Tiniyak naman ni Bishop Pabillo sa paggunita ng Gaudete Sunday na ang bawat sakripisyo ng mga mananampalataya kasabay ng taimtim ng pananalangin ng kapatawaran ay magdadala sa bawat isa tungo sa Panginoon