899 total views
Muling pinapaalala ng Greenpeace Philippines na malaking suliranin pa rin sa lipunan ang mga basurang nagiging sanhi ng patuloy na pagkasira ng kapaligiran.
Ayon kay Jeffrey Chua, corporate campaigner ng grupo na bagamat may ilang kumpanya na ang naglunsad ng iba’t ibang pamamaraan sa pagre-recycle ng mga basura, hindi pa rin matitiyak kung ang ginagawa nitong proseso ay ligtas din sa kalikasan.
“‘Yung ginagawa dun sa plastic is pino-process siya ulit para maging ibang mga bagay na pwedeng gamitin like the chairs. I think ‘yung problema din dun is the very process of doing that can introduce more carbon footprints sa environment,” pahayag ni Chua sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa mga pagsusuri, ang proseso ng pagre-recycle sa iba’t ibang uri ng plastik ay maaaring maglabas ng greenhouse gases na lubhang mapanganib sa kalikasan maging sa kalusugan ng tao.
Ang pagtatapon, pagsusunog, pagre-recycle at pag-compost para sa ilang uri ng plastic ay naglalabas ng carbon dioxide.
Sinasabi rin sa mga pag-aaral na ang emissions mula sa mga plastik noong 2015 ay katumbas ng halos 1.8 bilyong metrikong tonelada ng CO2.
Samantala, panawagan naman ng Greenpeace sa mga kumpanya tulad ng mga nasa e-commerce industries na maliban sa pagre-recycle ay mag-isip ng mga alternatibong pamamaraan na nakakabawas sa paggamit ng mga plastic.
Gayundin ang pagpapakita ng tunay na proseso ng pagre-recycle upang matiyak na ligtas at nakakatulong talaga ito sa inang kalikasan.
“It’s good to recycle pero at the same time, ito na rin ‘yung panawagan na tanungin natin kung saan napupunta ‘yung plastic at kung paano nila pinoproseso ‘yung wastes. I think responsibility natin bilang consumers na alamin at tanungin ang mga kumpanya na ‘to para maging mas transparent at para alam din natin kung paano ito mas magiging sustainable,” ayon kay Chua.
Nakasaad sa catholic social teaching na bagamat sang-ayon ang Simbahan na kumita ang mga namumuhunan, kinakailangan namang ang kikitain nito ay nakakamit nang hindi naaapektuhan ang bawat mamamayan partikular na ang kalikasan.(michael)