494 total views
Ang lahat ng biyaya ng Diyos ay kaloob para sa bawat isa.
Ito ang isa sa mga pagninilayan ng Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan para sa muling pagsasagawa ng Simbang gabi bilang paghahanda sa Pasko ng pagsilang ng Panginoong Hesus.
Sa liham pastoral ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Stewardship Office ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, sinabi nito na magandang pagnilayan sa siyam na araw ng simbang gabi ang pagiging mabuting katiwala ng bawat mananampalataya sa lahat ng mga biyayang ipinagkaloob ng Diyos.
“Ang ating buhay, panahon, pananampalataya, kapaligiran, mga talento, pati na ang ating kaunting kayamanan. Ang lahat pong ito ay galing sa Kanya,” pahayag ni Bishop Pabillo.
Ipinaliwanag ng obispo na sa pagbabahagi ng mga biyayang ating natatanggap mula sa Diyos, mas lumalago pa ito at nagdudulot ng kagalakan sa lahat.
Iginiit ni Bishop Pabillo na ito’y paraan ng pagbabalik-handog bilang pasasalamat sa Poong Maykapal sa patuloy na biyaya sa kabila ng iba’t ibang suliranin sa kapaligiran.
“Ito po ay handog-pasasalamat natin sa Diyos. Hindi po tayo natatakot na magbalik-handog kasi maaasahan natin ang kabutihan ng Diyos. Patuloy ang daloy ng Kanyang grasya sa mga may pananalig na maghandog ng kanilang panahon, talento at yaman sa Diyos,” saad ng obispo.
Maliban sa pagdalo sa simbang gabi, hinihikayat din ni Bishop Pabillo ang bawat isa na sikaping mangumpisal bilang pagbabalik-loob at paghingi ng tawad sa Diyos sa mga nagawang kasalanan.
Paraan din ito upang buong pusong matanggap ang Panginoon sa pamamagitan ng Banal na Komunyon na makapagbibigay ng pag-asa at kaligtasan sa kabila ng mga pagsubok.
“Kung hindi po tayo handang magkomunyon dahil sa kasalanan, sikapin pong magkumpisal. Sikapin pong makipagkasundo na sa Diyos at sa kapwa bago magpasko,” ayon kay Bishop Pabillo.
Ang “Simbang Gabi” ay isasagawa mula Disyembre 15 hanggang 23 ng gabi habang ang tradisyunal naman na “Misa de Gallo” ay mula Disyembre 16 hanggang 24 ng madaling araw.