346 total views
Nakakatulong ang pagpapatupad ng mas maluluwag na panuntunan laban sa banta ng COVID-19 upang makabalik sa trabaho ang milyong bilang ng manggagawa.
Ito ang tugon ni Associated Labor Union – Trade Congress of The Philippines (ALU-TUCP) spokesperson Alan Tanjusay matapos maitala ng social weathers station (sws) na bumaba ang bilang ng mga walang trabaho sa 11.9-million sa 3rd quarter ng 2021 kumpara sa 13.5-milyong noong 2nd quarter.
“Ito ay nangangahulugan ng bahagyang pagbilis ng paggulong ng ating ekonomiya mula sa pagtigil nito noong March 2019. Dahilan ito ng pagbaba ng COVID19 daily infection rate at pagluluwag pa ng mga quarantine restrictions sa harap ng pandemya,”mensahe ni Tanjusay sa Radio Veritas.
Sa kabila nito ay nababahala si Tanjusay sa napakalaki paring bilang na higit sa 11-milyon mga walang trabaho.
Kaakibat ng suliranin ay ang pagtatala ng inflation rate sa 3rd quarter ng 2021 na umabot naman sa 4.8%, 4.6% at 4.2% na pinapaliit ang halaga ng kita ng mga manggagawa at pinapababa ang tiyansa na makabili ang mga ito ng mga masusustansyang pagkain.
Dahil ditto nanawagan si Tanjusay sa pamahalaan na paigtingin ang pagtulong sa mamamayan kasabay ng pagsasantabi ng pulitika, korapsyon at pang-sariling hangarin.
Sa pagsusulong ng Economy of Francesco ng mga youth at economic leaders mula sa ibat-ibang bansa ay naging panawagan ng Kaniyang Kabanalang Francisco ang pagkakaroon ng mga sistemang pang-ekonomiya na hindi kakalimutan ang mga mahihirap at nangangailangan sa pagpapa-unlad ng ekonomiya.