354 total views
Nagsagawa ng second collection ang Archdiocese of Manila bilang pakikiisa at pagtulong sa mga biktima ng bagyong Odette.
Sa liham sirkular ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, nakasaad na lahat ng mga Kura Paroko, Rector at Chaplain ay inaatasang magsagawa ng second collection sa lahat ng Misa para sa ikaapat na Linggo ng Adbiyento.
Nagsimula na ito kagabi at ngayong araw ng linggo ika-19 ng Disyembre.
Ang lahat ng koleksyon ay ipinasusumite sa Accounting Office ng Arzobisado De Manila hanggang sa December 22, 2021.
“As we pray for the victims of Typhoon Odette hitting several Arch/Dioceses of the Visayas and Mindanao, we will also help in the alleviation of their pains,” bahagi ng circular letter ni Cardinal Advincula.
Tiniyak naman ni Cardinal Advincula ang pag-aalay ng panalangin para sa patuloy na kaligtasan ng mga biktima ng bagyo lalo na ngayong naghahanda ang lahat para sa pagdating ng Panginoong Hesus.
Nauna nang naglaan ng P2.5- milyon ang Caritas Manila bilang paunang tulong sa mga lalawigang labis na napinsala ng bagyong Odette.
Inaanyayahan naman ng pamunuan ng Radio Veritas at Caritas Manila ang mamamayan na makiisa sa isasagawang “telethon” para sa mga nasalanta ng bagyo.
Live na mapapakinggan sa Radio Veritas 846AM, Skycabble, DZRV.ph ang telethon simula alas-siete ng umaga hanggang alas-sais ng gabi araw ng Lunes ika-20 ng Disyembre 2021.
Ang malilikom na pondo sa telethon ay ipapadala ng Caritas Manila sa mga apektado ng bagyo upang sila ay makabangon sa dinanas na sakuna.