301 total views
Homiliya para sa pang-apat na Simbang Gabi, ika-apat na Linggo ng Adbiyento, Lukas 1:39-45
Sa panahong ito ng mga trahedyang katulad ng kalamidad na dulot ng Typhoon Odette sa Visayas at Mindanao, isang diwa ang kailangan nating panatilihing buhay sa ating kamalayan: ang pagdadamayan. Ito rin ang diwang hatid nina Elisabet at Maria sa isa’t isa, sa panahon ng pagharap nila sa mga matinding hamon sa buhay nila.
Ang salitang DAMAY sa Pilipino ay pwedeng negatibo, at pwede ring positibo. Pag wala ka namang kasalanan pero napagbintangan ka sa krimen na di mo naman ginawa dahil involved pala ang isang kaibigan mo, NADAMAY ka. Negatibong damay iyon. Tuloy, may mga taong nadadalâ at nagsasabing, “Ayoko na ngang makialam sa usapang iyan, baka madamay pa ako.” Pag ganoon, kahit mga testigo sa krimen tumatahimik. Takot madamay.
Sa mga slum communities namin na madalas masunugan, madalas ko ring marinig ang sumbátan. “Sa kapitbahay daw po nanggaling ang sunog dahil naiwan ang niluluto niya. NADAMAY tuloy kami at ang lahat ng mga kapitbahay dahil sa kapabayaan nila.”
Pero madalas din naman nating gamitin sa positibong pakahulugan ang salitang DAMAY. Di ba PAKIKIRAMAY ang tawag natin sa pagbibigay-abuloy o anumang tulong sa mga namatayan, lalo na sa mga tinamaan ng Covid? Hindi natin malimut-limutan ang mga taong DUMAMAY sa atin sa kahirapan at naging daan upang makaraos sa pagsubok.
Iyon ang sinasabi ng lumang kanta ni Florante—nag-aalay ng awit bilang pasasalamat sa mga taong dumamay sa kanya: “Parang kailan lang, halos ako ay magpalimos sa kalsada. Dahil sa inyo, ang aking tiyan at ang bulsa’y nagkalaman…”
May alam akong isang French song na parang ganoon din ang mensahe. Komposisyon ni Georges Brassens, isang popular na French singer na katumbas ni Totoy Bato ng Pampanga. Dedicated ang kanta sa L’Auvergnat, o isang taong taga-bayan ng Auvergne, na nagbigay daw sa kanya ng apat na pirasong tinapay nang minsang nagutom siya at panahon ng winter. Sabi niya, “Marahil maliit na bagay lang iyon sa kanya, pero malaking bagay sa akin. Nagdulot ng init, hindi lang sa tiyan ko kundi rin sa kaluluwa ko.” https://duckduckgo.com/?q=l’auvergnat%20youtube&t=iphone…
Ang kuwento ng pagdalaw ni Maria kay Elisabet ay kuwento ng pagdamay. Pareho silang nasa sandali ng buhay nila na mayroon silang matinding pinagdadaanan na hindi madaling ipaliwanag sa iba. May mga ganyang panahon sa buhay ng tao na parang hindi mo na alam ang gagawin, wala kang malapitan o matakbuhan.
Sabi ni San Lukas, nagtago si Elisabet nang limang buwan. Bakit? Ikaw ang lumagay sa kalagayan niya: nabuntis ka sa katandaan. Tas, imbes na matuwa ang mister mo, bigla siyang napipi at hindi ka na kinakausap. Pati mga kamaganak pinagpyestahan ka ng tsismis at intriga. Ganyan din ang kalagayan ni Maria. Nakatakdang ikasal kay Joseph, tapos bigla siyang mabubuntis nang hindi pa sila nagsasama? Paano niya ie-explain ito kay Joseph o sa parents niya at mga kamaganak niya, e sa kanya lang naman nagpakita ang anghel?
Parang ganito ang sinasabi ng isa pang kanta na komposisyon naman ni Tony Bennett: Who can I turn to? Maraming nakaka-relate sa kantang ito sa mga panahon natin ngayon. Lalo na sa mga kabataan na dumaranas ng depression. Ramdam mo sa kanta ang dinaranas ng isang taong parang nawawalan ng pag-asa, o natatakot na mahusgahan, kaya kahit sa magulang o sa kaibigan hindi makalapit. May parte sa kanta na may pagka-cryptic ang sinasabi. Sabi niya,
“Who can I turn to
When nobody needs me?
My heart wants to know
So I must go
‘Where destiny leads me,’
With no star to guide me
And no one beside me..”
Ano kaya ang ibig sabihin ng “where destiny leads me?” Hindi kaya parang sinasabi niya na natutuksong na siyang tapusin ang buhay niya—dahil wala siyang malapitan upang gabayan siya o damayan siya.
Pag ganitong kalamidad, hindi naman gubyerno o simbahan o mga NGO ang unang dumadamay. Siyempre, hindi naman sila makakapagpadala ng tulong agad-agad. Ang unang magdadamayan ay sila-sila din mismo, silang mga nasalanta ng bagyo. Dahil walang kuryente at walang makuhang news, paghupa ng bagyo, maglalabasan sila at magmamasid sa paligid, sa mga kabarangay para alamin ang kalagayan ng isa’t isa. Depende sa antas ng pamumuhay, magkakaiba ang tindi ng perwisyong dumapo sa kanila.
Naalala ko ang kwento ng isang ale sa evacuation Center noong panahon din ng alamidad na dulot ng lahar ng bulkang Pinatubo. Biglaan ang bagsak ng lahar minsan isang gabi. Sa umaga na niya nalaman na nalubog hanggang kisame ang marami sa mga bahay nga mga kabarangay niya. Nagsipag-akyatan sila sa bubong at doon naghintay ng rescue. Swerte pa daw siya dahil may second floor pa ang bahay nila, kaya nagtanggal ang mga anak niya ng ilang yero sa nalubog nilang kusina para makatapak sila sa lahar na parang kumunoy pa, at para makatawid upang damayan ang mga kapitbahay nila. Tinulungan silang tumawid at pinatuloy sila sa second floor ng bahay nila. Wala pang rescue operations noon kaya wala pang dumarating na relief goods.
Naluluha siya nang ikwento niya na ang dami nila sa bahay pero halos isang dangkal na lang sa timbang plastic ang bigas nilang natitira. Buti na lang daw at may kitchen sa second floor ng bahay nila dahil doon nakatira ang anak niyang may sarili nang pamilya. Imbes na isaing ang natitira nilang bigas, dinagdagan daw niya ng tubig at asin at chicken cube na pampalasa at ginawang lugaw, para mas marami ang makakain. Kaya hindi sila nagutom.
Ang isang mangkok ng lugaw, hindi lang tiyan ang kayang painitin kundi puso din. Nakakalakas kasi ng loob ang maramdaman mong hindi ka nag-iisa, meron kang karamay. Konting lugaw lang pero naramdaman mo ang tunay na pagdamay. Higit sa lahat, ang kailangan natin ay hindi lang materyal na bagay kundi ang pagkalinga at pagdadamayan nila sa isa’t isa. Iyon ang malakas magpabangon sa atin sa pagkakalugmok.
May twist na kaunti ang kwento ng visitation. Si Mariang pasorpresang dumadalaw ang nasurpresa sa bandang huli. Ni hindi pa siya nagkukuwento, bigla ba namang isinalubong sa kanya ni Elisabeth, “Mapalad ka sa babaeng lahat, at mapalad din ang sanggol na dinadala mo.” Speechless tuloy si Maria. Sabi siguro niya, “Ha? Pa’no mo nalaman?”
Sinagot din agad ni Elisabeth ang tanong sa loob ni Maria, “Paano bang di ko malalaman, pati nga ang bata sa sinapupunan ko, alam niya! Sumipa pa nga siya sa pagkasabik nang marinig ang pagbati mo, pagdating mo. Mapalad ka dahil nanalig ka sa salitang binitawan sa iyo ng Panginoon.”
Walang ipinagkaiba ang eksenang ito sa isang kaibigan na magsasabi sa kaibigan niya, “Pano kong hindi malalaman e kaibigan kita? Kilala kita. Di ka naman iba sa akin.” Noon lang matatauhan ang kaibigan. Ang sitwasyong madilim parang lumiliwanag, ang sandaling parang disgrasya ay may hatid palang grasya. Isang bagong kabanata pala ang binubuksan ng Diyos sa buhay niya, na hindi sana niya nakita kung hindi siya dumamay. Nagbabago ang lahat kapag ang nangangailangan ng pagdamay ang siya pang dumadamay sa iba.
Ang engkwentro nina Elisabeth at Maria ay hindi nauwi sa palitan lang ng mga hinagpis sa buhay. Naging isang palitan ng grasya, ng mga karanasan ng pagpapala. May mga ganitong sandali sa buhay natin—mga sandali na akala mo ang mundo’y gumuguhô. Iyon pala, ang mga plano ng Diyos para sa atin ay nagsisimula pa lang na mabuô.