364 total views
Patuloy na nananawagan ng tulong at panalangin ang Diyosesis ng Surigao para sa mga higit na apektado ng Bagyong Odette sa lalawigan ng Surigao del Norte.
Ayon kay Bishop Antonieto Cabajog, kailangan ng mga nasalanta lalo na ang mga nasa evacuation centers ang basic necessities tulad ng pagkain at maiinom na tubig.
Ipinagpapasalamat naman ng obispo na natanggal na ang mga harang sa mga pangunahing kalsada sa Surigao del Norte upang mapabilis ang pamamahagi ng tulong sa mga biktima.
“Priority needs po namin ang food and basic necessities tulad ng mga drinking water at pagkain… Mabuti na lang nabuksan na ang mga kalsada natin, highways connecting us to Butuan City and the rest of Mindanao para madaling makarating ang mga tulong,” bahagi ng pahayag ni Bishop Cabajog sa Caritas Damayan Telethon sa Radio Veritas.
Ayon pa kay Bishop Cabajog, ito ang unang pagkakataon na kanyang nasaksihan at naranasan ang malakas na bagyo na nag-iwan ng matinding pinsala sa buong Surigao del Norte lalo na sa Siargao at Dinagat Islands.
“Ito ang pinakamalakas, so far. Ang lakas-lakas talaga, ‘yun bang wala ka nang makita. Ang ingay at ang lakas ng hangin. Grabe talaga ang ulan,” saad ng Obispo.
Bagama’t nahihirapan dulot ng malawakang pinsala ng bagyo, hindi pa rin nawawala sa mga residente ang pananampalataya na mas lalo pang nangibabaw sa kabila ng karanasan. n.
Nagpasalamat din si Bishop Cabajog sa Radio Veritas at Caritas Manila para sa pagkakataong naipabatid sa mga kapanalig ang kanilang sitwasyon sa Surigao del Norte lalo na’t wala pa ring maayos na suplay ng kuryente at linya ng komunikasyon.
Ang Diocese ng Surigao ay kabilang sa limang benepisyaryong diyosesis na tumanggap ng paunang tuilong mula sa Caritas Manila na nagkakahalaga ng P500,000.