585 total views
Mahalaga ang pagtangkilik sa mga produktong gawa sa Pilipinas na nilikha ng kapwa mo Pilipino.
Ito ang isa sa mga mensahe ni Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias ngayong pagdiriwang ng Pasko kung saan nakaugalian ang pagbibigayan at pamamahagi ng regalo ng bawat Pamilyang Pilipino.
“Alam niyo, kailangan nating tangkilikin ang sariling atin, kung ikaw ay Pilipino, bilin mo ang mga produkto na galing dito,” ayon sa panayam ng Radio Veritas sa Obispo.
Hinimok pa ni Bishop Tobias ang mga Pilipino na iwasan ang pagbili ng mga imported o banyagang produkto.
Ito ay upang mabigyan ng trabaho at kabuhayan ang mas marami pang Pilipinong manggagawa hinggit na ngayong isa sa mga krisis na idinudulot ng pandemya ay ang kawalan ng trabaho at pagsasara ng maraming negosyo.
“‘Wag kang bibili ng mga galing sa labas, bigyan ng pagkakataon na magkaroon ng maraming mga trabaho sa pamamagitan niyan, magkakaroon ng maraming trabaho ang ating bansa,” ayon pa sa Obispo.
Dala rin ni Bishop Tobias ang pagasang isabuhay ng bawat isa ang kasabihang “tangkilikin ang sariling atin” higit na ngayong panahon ng Pasko at pagsalubong ng bawat isa sa Bagong Taon.
“Kaya sana ang ating movement na tangkilikin ang sariling atin ay maging prinsipyo ng bawat Pilipino,” ani Bishop Tobias.