353 total views
Homiliya Para sa Pangwalong Araw ng Simbang Gabi, Huwebes ng Ikaapat na Linggo ng Adbiyento, Lukas 1:57-66
Sabi ng isang kakilala ko, kapag hindi daw siya kinakausap o iniimik ng asawa niya, ninenerbiyos na siya. Ibig sabihin masama ang loob nito. Feeling niya parang tinotorture daw siya. Mabuti pa daw na awayin na lang siya talaga kaysa idaan siya sa “silent treatment”.
Kaya bilib talaga ako dito kay Elisabeth sa kuwento ni San Lukas, nang malaman daw na buntis siya, hindi na siya kinausap ng asawa niyang si Zacarias. Katahimikan na nagtagal, hindi lang nang isang araw o isang linggo. Siyam na buwan! Di ba grabe iyon? Pero na-survive niya.
Bilib din ako na nakayanan niyang harapin at pakitunguhan ang mga relatives ni Zacarias. Biro nyo, kung di ba naman sila talaga nang-uudyok ng intriga, pati ba naman ang pangalang ibibigay sa bata ay pakikialaman nila? Dapat daw Zacarias Junior ang itawag sa bata dahil “only child” siya.
Talagang nanggagatong sila; nanunulsol ng gulo. Itanong daw kaya muna kay Zacarias kung sang-ayon ba siya sa gustong ipangalan ni Elisabeth sa bata? Ang ineexpect nila ay gulo—iyung mapapa-react nila si Zacarias para sabihing, “Wala akong kinalaman sa batang iyan. Huwag ninyo siyang ipangalan sa akin! Hindi ko anak iyan!” May suspetsa kasi sila na kaya nanahimik si Zacarias ay dahil hindi niya matanggap na kanya ang batang isinilang ni Elisabeth.
Kapag tumanggi si Zacarias na pangalanan ang bata, ibig sabihin hindi niya tinatanggap na lehitimong anak niya ito. Ang husay magkuwento ng drama ni San Lukas. Noon mismong sandaling iyon mabubuksan ang bibig ni Zacarias upang sabihin na tama ang misis niya; na sumasang-ayon siya sa kanya, na ang dapat ipangalan sa bata ay JUAN.
May kasabihan tayo sa Tagalog: “Huli man daw at magaling ay naihahabol din.” Minsan may nagserve sa akin sa isang parokya, nagpakilala bilang seminarista pero mukhang matanda pa siya sa akin noong panahong iyon—parang nasa singkwenta na. Sabi niya, “Late vocation po kasi ako.” Sabi ko sa kanya, “Hindi late vocation, later response siguro.” Minsan tulad ni Zacarias, hindi naman tayo maka-oo kaagad.
Nang sabihin ni Zacarias, “Ang pangalan niya’y Juan!” Parang noon pa lang siya umoo sa balita ng anghel Gabriel. Nang balitaan ni Gabriel si Maria, mabilis niyang nakuha ang OO ng dalagita. Kay Zacarias, after 9 months pa lang. Ang pangalan na ibibigay niya ay ang binanggit sa kanya ng anghel 9 months earlier. Dito pa lang siya nakapag-express ng paniniwala sa sinabi ni Gabriel sa kanya, na matutupad daw sa takdang panahon.
Sabi nila, “You cannot teach old dogs some new tricks.” Hindi naman totoo iyon. Pwede pa rin, pero mas challenging nga lang. Kailangan ng tiyaga, kailangan ng mas mahaba-habang panahon at pasensya. Ang naiiisip ko dito ay iyong takbo ng dalawang alagad: ang pinakabata na si Juan at ang pinakamatanda, na si Pedro, patungo sa sementeryo matapos ibalita sa kanila na nawawala ang bangkay. Tumingin si Juan at siya daw ay naniwala. Si Pedro, hindi daw maintindihan pa ang kahulugan ng mga nangyayari.
Isa daw sa pinakamalinaw na indicator na tumatandang-paurong ang tao ay pag sumusungit na siya, nawawalan na ng “sense of wonder” or “sense of humor”, masyadong mabagal ang pick-up sa mga pahiwatig ng Diyos sa buhay niya. Sila yung mga tipong “killjoy”, ayaw na ng sorpresa, natitigatig at natuturete kapag may nagbago kahit konti sa regular routine ng buhay nila.
Si Elisabeth ang magandang huwaran ng tamang pagtanda—mas lalong lumakas ang instincts, mas naging welcoming, mabilis kumilatis ng grasya, very open sa galaw ng Espiritu Santo. Sa kanya nga mas bagay ang Magnificat ni Maria. (Siguro iyun ang dahilan kung bakit sa ibang mga lumang manuscripts, ang umawit ng Magnificat ay siya, imbes na si Maria.)
May isa pang karakter na naroon din sa eksena pero hindi na binabanggit ni San Lukas: si Maria. May kutob ako na ang nagpalakas ng loob kay Elisabeth upang maging mas assertive siya sa mga intrigerong kamaganak at sa mister niya ay ang moral support ni Maria.
Sa totoo lang, 5 buwan daw na nagtago si Elisabeth. Ang pagdalaw ni Maria ang nagpalakas ng loob sa kanya. Sa buhay kasi natin, minsan, kapag mahina ang loob ng tao, madali siyang mapapadala sa sinasabi ng iba. Tulad ngayon, tanungin mo ang maraming botante kung bakit iyon ang kandidatong iboboto nila, hindi man nila maipaliwanag. Iyon ang matunog e. Iyon ang direksyon ng agos ng opinyon sa social media.
Parang noon tanungin ni Pilato kung sino ba sa dalawang bilanggo ang palalayain niya—si Barabbas o si Hesus, ang pinili daw ng marami ay ang magnanakaw? Nadala sila ng lakas ng sigaw ng mga pala ng mga Saduseo. Hindi demokrasya ang tawag sa ganoon. Disgrasya.
Si Zacarias muntik na rin niyang tanggihan ang grasya. Hindi parusa ang pananahimik niya kundi oportunidad para magnilay, para unti-unting makita ang kamay ng Panginoon sa mga nangyayari sa buhay niya. May kutob ako na binulungan din muna siya ni Maria bago nabuksan ang bibig niya. Kung may panahon para manahimik, may panahon din para magsalita, para bigkasin ang totoo, para kilalanin ang tunay na kalooban ng Diyos.