466 total views
Tiniyak ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pakikiisa sa mamamayang nasalanta ng bagyong Odette.
Sa panayam ng Radio Veritas, hinikayat nito ang sambayanang Filipino na magkaisa sa pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima ng bagyo at ipakita ang tunay na diwa ng Pasko na pagbibigayan.
“Kasama ninyo kami sa inyong pagbangon, sa inyong pagharap sa isang bagong umaga; Hinihimok ko ang lahat na dumamay at magmalasakit sa ating mga kapatid na nasalanta ng bagyo, tulungan natin silang makabangon at magsimulang muli,” bahagi ng pahayag ni Cardinal Advincula.
Batid ng Kardinal ang kalunos-lunos na sitwasyon ng mamamayan sa Visayas, Mindanao at Palawan makaraang hagupitin ng bagyong Odette kung saan patuloy na naghahanap ng paraan ang mga biktima para makabangon sa trahedya.
Paalala ni Cardinal Advincula sa mga biktima ng kalamidad na ang pagsilang ni Hesus ay tanda ng pakikiisa ng Diyos sa bawat paghihirap at karanasan ng sangkatauhan.
“Dumating si Hesus sa ating mundo bilang Emmanuel. Nagpakita ang Diyos sa sanlibutan sa anyo ng isang sanggol – mahina at maliit. Ito ay paalala sa atin na kasama natin ang Diyos, kakampi natin ang Diyos lalo na sa mga panahong tila wala na tayong lakas, wala na tayong pag-asa, wala tayong kalaban-laban. Ang Diyos natin ay Emmanuel,” pahayag ni Cardinal Advincula
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nasa 258 katao ang nasawi sa pananalasa ng bagyo, 568 ang nasugatan habang 47 ang nawawala.
Bukod pa rito ang 1.15 billion pesos na pinsala sa sektor ng agrikultura at 2.5 bilyong pisong pinsala sa imprastraktura.
Ipinanalangin ni Cardinal Advincula ang kalakasan ng bawat biktima ng bagyo gayundin ang dagliang pagbangon sa tulong ng Panginoong Hesus na isilang upang magbigay ng bagong pag-asa sa bawat mamamayan.
“Handog ng Pasko ang pangako ng isang bagong simula, bagong umaga, bagong pag-asa. Ito ang dulot ng bawat Pasko. “The dawn from on high shall break upon us to shine on those who dwell in darkness and the shadow of death and to guide our feet into the way of peace,” giit ng Cardinal.
Nauna nang ipinag-utos ni Cardinal Advincula ang pagsagawa ng second collection sa buong Arkidiyosesis para sa mga nasalanta ng bagyong Odette bukod pa rito ang 10 milyong pisong tulong ng Caritas Manila ang social arm ng Archdiocese of Manila sa mga diyosesis at arkidiyosesis na labis naapektuhan ng kalamidad.
Read: https://www.veritas846.ph/10-m-pisong-cash-aid-ipinadala-ng-caritas-manila-sa-mga-diyosesis-na-apektado-ng-bagyong-odette/