323 total views
Inaanyayahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mananampalataya na ipanalangin ang mga pinuno ng bayan upang maging tunay na lingkod para sa mas nakararami.
Ito ang bahagi ng pagninilay ng cardinal sa misang ginanap sa Missionaries of Charity sa Tayuman Manila kasabay ng pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang.
Ayon sa arsobispo, paanyaya rin sa Pasko ang pagtawid mula sa pagiging makasarili tungo sa pagmamalasakit; pagdadamot tungo sa pagbabahagi at katigasan ng puso tungo sa pagbabagong buhay.
“Ipagdasal natin ang ating mga lider na matuto rin silang tumawid, buksan ang kanilang puso sa Diyos upang makatawid sila mula sa personal na interes patungo sa interes ng ating bayan; tumawid nawa sila mula sa mga nakahahadlang tungo sa tapat, buong puso at bukas palad na paglilingkod sa bayan,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Binigyang diin ni Cardinal Advincula na nawa’y isaisip at isapuso ng mga lingkod-bayan ang Diyos, bayan at higit sa lahat ang mga dukha sa lipunan na kadalasang naisasantabi.
Ito rin ang apela ng arsobispo sa gitna ng patuloy na banta ng pandemya sa pamayanan at pananalasa ng bagyong Odette na labis ang epekto sa Visayas, Mindanao at Palawan.
Una nang hiniling ng simbahan sa mga lider ng bayan na isantabi ang pulitika at magkaisa sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan upang maibsan ang paghihirap na naranasang pinalala ng pandemya at kalamidad.
Umaasa si Cardinal Advincula na manaig sa puso ng mga pinuno ng bayan ang pagmamalasakit sa kapwa at isabuhay ang pakikibahagi sa misyon ni Hesus na lingapin ang higit nangangailangan sa lipunan.
“May they choose the greater value, choose the common good, choose dignity for all,” ani ng cardinal.
Sa pananalasa ng bagyong Odette sa Central at Southern Philippines, inatasan ni Cardinal Advicula ang mga simbahan ng Archdiocese of Manila na magsagawa ng second collection para sa mga nasalanta ng kalamidad kung saan sa kasalukuyan umabot na sa mahigit apat na milyong piso ang nalikom na pondo na ipinamahagi sa siyam na apektadong diyosesis.
Tiniyak ni Cardinal Advincula sa mga biktima ng kalamidad at sa mamamayan ang pakikiisa ng simbahan sa bawat kinakaharap na hamon bilang pastol na tagapangasiwa sa kawan ng Panginoon.