214 total views
Pinapaalalahanan ng opisyal ng Catholics Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mag-aaral na maging maingat dahil sa pananatiling banta ng COVID-19.
Ito ay kaugnay sa inaasahang pagpapalawig ng limited face to face classes sa January 2022.
Mula sa 120 pribado at pampublikong paaralan, karagdagang 20 paaralan ang magsisimula ng face to face classes sa Enero habang ilan pang eskwelahan ang nagsumite na rin sa Department of Education.
Ayon kay Fr. Jade Licuanan, executive secretary ng CBCP Episcopal Commission on Youth, mahalagang maunawaan ng mga kabataan ang pag-iingat mula sa nakakahawang sakit sa paggabay na rin ng mga magulang at mga guro ng paaralan.
“So marahil malaking parte ang mga ahensya ng gobyerno, local government maging ‘yung mga pamilya at ‘yung mga kabataan mismo kailangan talagang maging maingat, mapanuri, at matalino sa pagdi-desisyon sa pagsapit ng Enero sa isang posibilidad, ayon sa mga mungkahi nga na mag face-to-face na raw sa eskwelehan,” ayon sa panayam pari sa Radyo Veritas
Personal din nakikiisa si Fr. Licuanan sa panunumbalik ng face to face classes na mas makakabuti sa mga mag-aaral kasabay ng pag-iingat mula sa pandemya.
“Para sa akin po ito, na sana nga magkaroon ng face-to-face for the reason of having a better education or better schooling or studies, so ako para sa akin nandon sa dalawa, ‘yung hindi po pwedeng we just choose one reason over the other, kailangan magkasama sila, ‘yung pag-iingat dahil sa reyalidad ng karamdaman o ng pandemya,” ayon sa Pari.
Batid din ni Fr. Licuanan ang banta ng bagong variant ng Covid-19 na higit pang panawagan sa pag-iingat.
“Kailangan ay maging smart tayo at maging maingat at the same time, bagamat naririto pa rin po ‘yung banta ng COVID-19 lalo pa’t may OMICRON na tayo ngayon at may ilang pag-aaral na nagsasabi na by January nga raw makikita yung pagdami” pagpapabatid ng Pari.
Nangangamba rin ang pari sa ibat-ibang suliranin na kinakaharap ng mga mag-aaral at guro sa mga pagbabagong dala ng “‘New Normal’ Education” dahil sa kakulangan ng mga gadgets tulad ng mga laptop at limitadong internet access.
November 15, 2021 ng simulan ng DepEd and limited face-to-face classes sa unang 100-pampublikong paaralan at 20-pampribadong paaralan na maituturing na nasa mga ‘Low-risk Areas’ mula sa banta ng COVID-19.