406 total views
Umaasa si Diocese of Baguio Bishop Victor Bendico na magpapasigla sa pananampalataya ng diyosesis ang pagdalaw ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Ito ang mensahe ng obispo sa misang ginanap sa Our Lady of the Atonement Cathedral bilang pagtanggap sa pilgrim image ng Poon nitong December 28.
Ipinagdarasal ng obispo na makapupukaw sa bawat mananampalataya ang pagdalaw ng Poong Nazareno at higit na lumago ang pagiging kristiyano.
“May this visit of the Black Nazarene here in the Diocese of Baguio find strength to the diocese and also for those who have following us be also be inspired and give relief to whatever problems and difficulties we have in life,” pahayag ni Bishop Bendico sa Radio Veritas.
Batid ng opisyal ang iba’t ibang karanasan ng mamamayan na nakakaapekto sa lipunan na pinalala ng coronavirus pandemic.
Bukod pa ang pinsalang dulot ng kalamidad tulad ng karanasan ng mga taga Visayas, Mindanao at Palawan na sinalanta ng bagyong Odette kamakailan.
Ang pagdalaw ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Baguio Cathedral ay bahagi ng pinalawak na ‘localized traslacion’ bilang paghahanda sa Traslacion 2022.
Nanatiling suspendido sa ikalawang pagkakataon ang tradisyunal na prusisyon mula Quirino Grandstand patungong Quiapo Church dahil sa patuloy na banta ng COVID 19 sa kalusugan ng mamamayan.
December 27 nang simulan ng Quiapo church ang pagbisita ng replica image ng Poon sa mga diyosesis sa North at South Luzon, National Capital Region at sa iba’t ibang tanggapan sa Metro Manila.
Sinalubong ng humigit kumulang 500 mananampalataya ng Baguio ang pagdating ng Poong Nazareno kasabay ng paghikayat ni Bishop Bendico na pagnilayan ang pagkakataong dumalaw ang poon sa diyosesis.
“Magandang pagkakataon na magnilay nilay tayo sa ating pananampalataya; even though we are on the joyous season of Christmas there ares till many problems that surrounded us and continue to threaten us, we are really hoping na itong mga pagsubok na ito ay mabibigyan ng lakas loob lalo na sa ating pamumuhay bilang kristiyano, ” ani Bishop Bendico.
Mananatili sa Baguio Cathedral ang poon hanggang December 30 at nakatakdang dadalhin sa Shrine of Our Lady of Namacpacan sa La Union hanggang January 1, 2022.