480 total views
Hinikayat ng Climate Change Commission ang mamamayan na mag-isip ng mga ligtas na pamamaraan para sa masayang pagsalubong sa Bagong Taon sa halip na gumamit ng mga paputok.
Ayon kay CCC Commissioner Atty. Rachel Anne Herrera, tuwing sinasalubong ang Bagong Taon, hindi nawawala sa mga balita ang mga naitatalang firecracker-related injuries.
“Let us look for other ways of welcoming the New Year such as blasting your favorite songs, or watching a virtual concert or movie together with your family during Media Noche,” pahayag ni Herrera sa panayam ng Radio Veritas.
Paliwanag ni Herrera na sa pamamagitan ng simpleng pagpapatugtog ng mga kanta o mga instrumento ay makakatulong na ang bawat isa upang maiwasan ang mga aksidente sanhi ng mapanganib na paputok.
Gayundin, giit ng opisyal na makakatulong din ang hindi paggamit ng mga paputok upang maiwasan at mabawasan ang air pollution na lubhang mapanganib sa kalusugan ng mga tao.
“At the same time, makakatulong din tayo na bawasan ang polusyon sa hangin na dala ng mga paputok tuwing Bagong Taon,” ayon kay Herrera.
Batay sa ulat ng Department of Health, sa kasalukuyan ay na sa kabuuang bilang na 25 ang naitalang kaso ng firecracker-related injuries sa buong bansa kung saan ang mga biktima ay karaniwang nasa edad 6 hanggang 34 na taong gulang.
Nauna na ring hinikayat ng Malacañang ang publiko na ilaan na lamang bilang donasyon para sa mga biktima ng Bagyong Odette sa Visayas, Mindanao, at Palawan, ang perang dapat para sa pagbili ng mga paputok.