703 total views
Itinuturing ni National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage Parochial Vicar Rev. Fr. Melchor Andaya na paanyaya ng Diyos upang patatagin ang pananampalataya ng bawat mamamayan ang isinasagawang localized Traslacion.
“Lagi itong paalala na ang Diyos ay nag-aanya na tumatag tayong lahat sa pananampalataya, si Hesus Poong Nazareno kahit dala-dala niya ang Krus, nabuhat niya ito nang may pagsunod at malaking pagmamahal sa Ama, kaya ayon din ang panawagan sa atin at iyon din ang tulong para manatili tayong tapat sa Nazareno at kahit sa Mahal na Ina,” ayon sa Panayam ng Radio Veritas sa Pari.
Pagbabahagi naman ni Minor Basilica of the Black Nazarene Parochial Vicar Rev. Fr. Earl Valdez, sumisimbolo ang pagbisita ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa dambana ng Antipolo sa pagsasabuhay ng bawat Pilipinong nagpapahalaga sa kanilang pamilya ng nakaugaliang pagbisita ng mga anak sa kanilang mga magulang.
“Bagamat walang tahasang ebidensya na may ganitong nangyari, hindi naman malayong imahinasyon, hindi naman malayo sa buhay ng tao na tayo’y binibisita ng ating mga mahal natin sa buhay kaya ito ay may simbolikong pagpapahalaga na yung pagiging malapit ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa Mahal na Ina kaya naglalakbay siya patungo rito sa magkabilang dulo ng Metro Manila, sa Quiapo at ngayon sa Antipolo.” ayon din sa panayam ng Radio Veritas sa Pari.
Batid din ni Father Valdez ang impluwensiyang idinudulot ng Traslacion sa debosyon ng mananampalataya sa Panginoon sa buong daigdig.
“Hindi lang ito pambansang debosyon, subalit ito rin ay global at pang internasyonal kaya mahalaga na isa sa mga binibisita ng ating Mahal na Poong Hesus Nazareno ay ang mga deboto na naririto sa Antipolo bilang isang pakikiisa,” ani Father Valdez.
Inihayag ni Father Andaya na lubos rin ang pagpapatibay ng Traslacion sa pananampalataya hindi lamang ng mga deboto ng Poong Hesus Nazareno kung hindi maging ang mga iba pang mananampalataya ng Simbahang Katolika.
Dumating sa Antipolo Cathedral ang Imahen ng mahal na Poong Hesus Nazareno Bago ganap na alas-10 ng umaga noong ika-30 ng 2021.
Labis rin ang kagalakan na ipinahayag ng mga mananampalataya ng Antipolo sa pagdating ng Poong Hesus Nazareno.