585 total views
Umabot na sa P20.3 million pesos ang paunang tulong na ipinadala ng Archdiocese of Manila sa pamamagitan ng social arm nito na Caritas Manila sa mga lalawigan at diyosesis na naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Odette.
Tiniyak ni Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas 846 President Rev. Fr. Anton CT. Pascual na bago ang pagtatapos ng taong 2021 ay maramdaman ng mamamayan sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo na hindi sila tinatalikuran ng Simbahan at patuloy ito na makikiisa sa kanilang pagbangon sa pagpasok ng taong 2022.
Sa mensahe na ipinadala ni Fr. Pascual, sinabi nito na sa kabila ng mga pagsubok na pinagdadaanan ng mga sinalanta ng bagyo ay mayroon pa rin pag-asa hatid ng ating pananampalataya kay Kristo.
“Habang buhay may pag-asa sapagkat may Diyos na nagmamahal sa atin at kasama natin siya sa pagpasok ng bagong taon 2022. Sa harap ng mga pagsubok tulad ng mga kalamidad, tayo ay hindi nag-iisa. Kasama natin si Hesus at ang buong sambayanan na haharap at sa awa ng Diyos ay magtatagumpay,” mensahe ni Fr. Pascual para sa mga naapektuhan ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao.
11 Diyosesis ang nakatanggap na ng ayuda mula sa Caritas Manila na kinabibilangan ng Archdioce of Cebu, Diocese of Tagbilaran at Talibon sa Bohol, Maasin sa Southern Leyte, Kabankalan, San Carlos at Dumaguete sa Negros Province at ang Archdiocese of Cagayan De Oro at Diocese Surigao kasama na ang Dinagat Island sa Mindanao.
Nakatanggap din ng tulong-pinansiyal ang Apostolic Vicariate ng Taytay at Puerto Princesa sa Palawan.
Ang nasabing pondo ay una nang ginamit ng mga naapektuhang diyosesis sa relief operation habang ang iba ay ilalaan para sa early recovery at rehabilitation.
Nagpapasalamat naman ang mga kaparian sa Visayas at Mindanao sa tulong na kanilang natanggap mula sa Caritas Manila.
“This is a great news. We do not only stop at the emergency response but can already start with the rehabilitation with this assistance,” mensahe ni Rev. Fr. Felix Warli Salise, ang Social Action Director ng Diocese of Tagbilaran sa Bohol Province.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC umabot sa 4.2 milyong katao ang naapektuhan ng bagyong Odette sa Pilipinas.
Una nang nagpahayag ng pakikiisa at panawagan na tumulong sa mga nasalanta ng bagyo ang ilang mga lider ng Simbahan katolika tulad ni CBCP President Pablo Virgilio David at Archdiocese of Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.