440 total views
Bukas anumang oras ang National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage para sa mga mananampalataya.
Ito ang pagbabahagi ni Antipolo Cathedral Parochial Vicar Rev. Fr. Melchor Andaya.
Ayon sa Pari, katulad ng pagmamahal ng Mahal ng Birheng Maria sa kanyang anak na si Kristo Hesus ay handang tanggapin ng Dambana ang mga mananampalataya saanmang panig ng Pilipinas o daigdig sila galing.
“Tulad ni Maria na Ina na laging lumilingap, ang Antipolo Cathedral ay laging bukas, any week of the year, any month of the year, tulad ng Mahal na Ina na laging handang tumanggap sa kaniyang mga anak na nais dumalaw sa kaniyang dambana,” ayon sa panayam ng Radio Veritas sa Pari.
Sumisimbolo rin ayon kay Father Andaya ang Antipolo Cathedral sa puspos na pagmamahal ng isang ina sa kaniyang anak.
Ito ay alinsunod sa pagmamahal ng Birheng Maria kay Hesus at sa bawat mananampalataya bilang isa ring Ina ng Simbahang Katolika.
“Yung maternal care ng ating Blessed Mother, ‘yun ‘yung kaniyang laging ibinibigay sa lahat ng nagpupunta dito, umaakyat dito sa Antipolo,” pagpapabatid ni Father Andaya.
Taong 1591 nang maitatag ang Antipolo Cathedral upang paglagakan ng imahen ng Nuestra Senora dela Paz y Buen Viaje.
Sa mga nakalipas na siglo ay naranasaan ng Dambana ang ibat-ibang pinsala na dulot ng natural na kalamidad tulad ng lindol at maging ng dahil sa World War II.
Bukod sa Antipolo Cathedral ay kilala rin ang Bayan ng Antipolo sa mga produkto katulad ng suman, mangga at kasoy at pook pasyalan katulad ng parkeng nakapalibot sa Hinulugang Taktak.