247 total views
Mga Kapanalig, sa Catholic social teaching na Laudato Si’, binigyan-diin ni Pope Francis na ang pangangalaga sa kalikasan ay nangangailangan ng far-sightedness o pagsasaalang-alang sa ating hinaharap. Aniya, wala naman daw interes ang mga naghahanap lamang ng mabilis at madaling kita sa pagpapanatili ng kalikasan. Ngunit ang malinaw, ang halaga ng pinsalang bunga ng kasakiman at kawalan ng malasakit sa ating nag-iisang tahanan ay mas mataas sa economic benefits na matatamo mula sa pagsira dito. Aanhin natin ang mga benepisyong ito kung hindi na matitirhan ang ating planeta?
Ayon sa pag-aaral ng Christian Aid, isang NGO na nakabase sa United Kingdom, ang sampung pinakamatinding weather disasters nitong 2021 ay nag-iwan ng pinsalang nagkakahalaga ng 170 bilyong dolyar o mahigit 8.5 trilyong piso. Mas mataas ito ng 20 bilyong dolyar noong 2020. Kasama sa pinsalang iniwan nito ang pagkawala ng buhay ng mahigit sanlibong tao at paglikas ng 1.3 milyong katao. Kabilang sa mga kalamidad na ito ang matinding taglamig at mga bagyong nanalasa sa Amerika at malawakang pagbaha sa Europa.
Hindi pa nakasama sa assessment ng Christian Aid ang pinakahuling bagyong tumama sa ating bansa bago mag-Pasko. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, umabot na sa halos 400 na ang namatay at 60 ang hindi pa rin natatagpuan, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council. Nasa apat na bilyong piso ang halaga ng pinsala sa imprastraktura, at tatlong bilyong piso naman ang halaga ng mga nasirang pananim. Libu-libong pamilya pa rin ang walang bahay.
Masaklap na ang mga datos na may kinalaman sa mga kalamidad ay madaling makalimutan o hindi naman sineseryoso. Nananatiling numero ang mga biktima. Nananatiling kwenta ang mga halaga ng pinsala. Ang mga kuwento ng pagkawala at pagkasira, ilang araw lang mapag-uusapan sa media, pero pagkatapos ng mga ito, balik tayo sa dati. Palagi nating naririnig ang mga ekspertong nagsasabing ang nangyayaring mga kalamidad ay bunga ng climate change, ngunit hanggang ngayon, lalo na rito sa atin, kulang na kulang pa rin ang ginagawa ng kinauukulan upang ibsan ang mga epekto nito.
Ngunit gaya nga ng sinabi ni Pope Francis, ang ugat ng nararanasan nating mga kalamidad ay nagmumula rin sa pagkasakim ng iilan sa salapi. Bagamat totoong ang bawat isa sa atin ay may ambag sa climate change, na nagdudulot ng mas mapaminsalang mga bagyo at kalamidad, huwag nating kalimutang mas malaki ang pananagutan ng mga korporasyon at industriyang ang tanging hanap ay agarang kita kahit pa ang kapalit nito ay ang pagkasira ng kalikasan at, sa huli, ang buhay at kabuhayan ng mga mahihirap.
Makapangyarihan ang mga negosyong ito, at ginagamit nila ang kanilang impluwensya upang ang mga patakaran ng mga pamahalaan ay kumiling at proteksyunan ang kanilang mga interes. Ang mga nasa pamahalaan naman, madali ring masilaw sa perang suhol sa kanila ng mga nagnenegosyo. O kaya naman, ang mga nasa pulitika mismo ang may-ari ng mga negosyong ito. Sabi nga, may mga taong sa halip na mahalin nila ang kanilang kapwa gamit ang kanilang yaman, mas mahal nila ang kanilang yaman at ginagamit nila ang kanilang kapwa. Nitong nakaraang linggo, nalaman nga nating inalis na ng pamahalaan ang ban sa open pit mining na lubhang nakasisira sa ating kalikasan. Para daw ito sa pagsiglang muli ng ating ekonomiya.
Mga Kapanalig, paalala nga sa Mateo 6:24, “Hindi ninyo maaaring paglingkuran nang pareho ang Diyos at ang kayamanan.” Ang mga nangyayaring kalamidad ay may kaugnayan sa mga gawain ng taong kayamanan ang pinaglilingkuran. Mahirap ngunit kaya nating labanan ang kasakiman kung bukás lamang ang ating mga mata at maninindigan at kikilos para sa ikabubuti ng ating kapwa at ng nag-iisa nating tahanan.