378 total views
Humingi ng pang-unawa ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa mananampalataya sa pagsasara ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa Kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa January 9.
Batid ni Cardinal Advincula ang hangarin ng milyung-milyong deboto ng Poong Hesus Nazareno na makadalo sa Banal na Misa sa basilica subalit binibigyan pagpapahalaga ng simbahan ang kaligtasang pangkalusugan ng nakararami sa banta ng coronavirus lalo na ang pagkalat ng Omicron variant.
“Nauunawaan namin ang hangarin ng marami na makapunta sa Quiapo sa araw ng kapistahan ng Mahal na Senor. Humihingi kami ng paumanhin at pang-unawa na dahil sa pandemya hindi natin maisasagawa ang mga tradisyunal na gawain kapag kapistahan ng Poong Hesus Nazareno,” bahagi ng pahayag ni Cardinal Advincula.
Binigyang diin ni Cardinal Advincula na nababahala rin ang mga pastol ng simbahang katolika sa labis na pagtaas ng naitatalang kaso ng COVID-19 sa kasalukuyan mula nang pumasok ang taong 2022 lalo na sa National Capital Region.
“Kaisa ng pamahalaan, kami rin ay nag-alala na ang darating na kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno ng Quiapo ay maging maging daan pa ng lalong paglala ng sitwasyon,” ani ng cardinal.
Bago pa man umapela ang Pangulong Rodrigo Duterte sa pamunuan ng Quiapo Church na suspendihin ang pagdiriwang ng Traslacion, napagkasunduan na ng simbahan sa pangunguna ni Msgr. Hernando Coronel at ng National Task Force Against COVID-19 ang pagpapaliban sa Traslacion ngayong taon at pagbabawal sa physical masses sa araw ng kapistahan upang maiwasan ang pagdagsa ng mga deboto.
Dahil dito pinalawig hanggang January 9 ang pagsasara ng basilica subalit tiniyak ang patuloy na pagsasagawa ng Banal na Misa na matutunghayan sa official Facebook Page na Quiapo Church.
“Bilang tugon saoambihirang sitwasyon ng pandemya, mula ikapito hanggang ikasiyam ng Enero ang mga Misa sa Quiapo Church ay mananatiling online lamang upang maiwasan ang pagtitipon ng maramihan; bagamat online hinihikayat pa rin ang lahat na makiisa sa mga pgdiriwang ng Santa Misa sa loob ng Quiapo oras-oras ,” giit ni Cardinal Advincula.
Paanyaya ng cardinal sa mananampalataya na sa pamamagitan ng teknolohiya ay hayaan ang Poong Hesus Nazareno na dumalaw sa bawat tahanan sa pakikiisa ng mga Banal na Misa sa online livestreaming.
Matatandaang 2021 nang unang ipagpaliban ng Quiapo Church ang tradisyunal na Traslacion sa halip ay binuksan ang simbahan para sa mga misa sa limitadong kapasidad dahil sa paglaganap ng COVID-19.
Nitong January 5 muling naitala ang mahigit sa 10-libong panibagong kaso sa loob ng isang araw na labis ikinabahala ng mga eksperto.
Hinikayat ng Kardinal ang mga deboto na ipakita ang tunay na diwa ng debosyon sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntunin para sa kaligtasan ng nakararami.
“Umaasa kami sa inyong pakikiisa. Ipakita natin ang ating debosyon sa Mahal na Poong Hesus Nazareno sa ating pag-iisip ng makabubuti para sa bawat isa at pagmamalasakit para sa kaligtasan ng lahat,” dagdag ng cardinal.