234 total views
Mga Kapanalig, noong 2019, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Universal Health Care Bill upang maging ganap na batas. Inasahan itong magbubunga ng malawakang pagbabago sa public health sector ng bansa. Layunin ng batas na ito na palakasin ang mga serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan at padaliin ang pag-access ng mga Pilipino sa mga ito sa pamamagitan ng automatic membership ng lahat sa PhilHealth. Ang PhilHealth ang pangunahing ahensyang nagpapatupad ng National Health Insurance Program na nagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga Pilipinong nangangailangang maospital o may mga gamot at procedures na kailangang matanggap dahil sa kanilang kalagayang pangkalusugan. Ang mga miyembro ay nag-aambag sa pondong pinaiikot at ginagamit bilang subsidiya, at ngayong lahat ng Pilipino ay miyembro na ng Philhealth, kailangang tiyakin ng pamahalaang may sapat na pondo ang ahensya.
Ngunit nitong mga nakalipas na taon, tila hindi tinatantanan ng kontrobersya ang PhilHealth. Pinakamatindi nga sa mga ito ang di-umano’y nawawalang 15 bilyong piso, na ayon sa isang whistleblower ay ibinulsa ng mafia sa loob ng ahensya. Agosto ng taong 2020 nang lumutang ang whistleblower na inakusahan ang mga opisyal ng PhilHealth ng pagnanakaw. Nagkaroon ng serye ng mga pagdinig sa Senado hanggang umabot sa pagbibitiw ng presidente at ilang senior officials ng PhilHealth. Noong nakaraang taon, naglabas ang ahensya ng liquidation report upang patunayang hindi nawala ang pondo nito. Paliwanag ng PhilHealth, ang pera ay ibinigay bilang ayuda sa mahigit 700 ospital sa bansa upang manatili silang bukás upang tumanggap ng mga pasyenteng nangangailangan ng gamutan sa gitna ng pandemya. Hindi ito kinagat ng marami lalo na’t sinabi ng whistleblower na nagsimula ang pagkawala ng pondo bago pa man magkaroon ng pandemya.
Ang pinakabagong hamong kinakaharap ng PhilHealth ay ang planong “PhilHealth holiday” ng mga pribadong ospital na kasapi ng Private Hospitals Association Philippines (o PHAPI). Inudyukan ng asosasyon ang mga kasapi nitong huwag tumanggap ng PhilHealth deductions para sa mga serbisyong ibibigay nila sa mga pasyente sa unang limang araw ng buwang ito. Ngunit sinuspinde ng PHAPI ang planong nito matapos daw makiusap ang iba’t ibang grupo na bigyan muna sila ng maayos na impormasyon tungkol sa PhilHealth holiday. Bago nito, nag-anunsyo ang pitong ospital sa lungsod ng Iloilo na kakalas na ang mga ito sa PhilHealth dahil sa unpaid claims mula sa ahensya. Aabot sa 895 milyong piso ang utang sa kanila ng PhilHealth.
Ang mga isyung bumabalot sa PhilHealth ay banta sa ating kalusugan na, ayon nga sa Catholic social teaching na Pacem in Terris, ay karapatang dapat matamo ng lahat. Karapatan nating mabuhay, at kaakibat nito ang karapatan natin sa malusog na pangangatawan. Makakamit natin ito kung ang pamahalaang may pangunahing tungkuling gawing sapat ang mga serbisyong panlipunan—katulad ng universal health care—ay matutulungan tayo sa mga panahong kailangan nating magpagamot o tumanggap ng atensyong medikal.
Dahil malaki ang papel ng PhilHealth sa pagpapatupad ng Universal Health Care Act, dapat na pangasiwaan ito ng mga taong may akmang kaalaman at kakayanan sa masinop na pangangalaga ng pondo. Dapat na pinatatakbo ito ng mga mahuhusay at tapat na propesyunal upang magbalik ang tiwala ng mga kasangga nito sa paghahatid na maayos na serbisyong pangkalusugan katulad ng mga ospital. Dapat itong maging bukás sa pagbusisi ng publiko upang makaasa tayong may tulong tayong matatanggap sa oras ng ating pangangailangan.
Mga Kapanalig, ang ating kalusugan ay isang biyayang dapat nating pakaingatan. Wika nga sa 1 Corinto 6:19, ang ating katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa atin at ipinagkaloob ng Diyos sa atin. Tungkulin ng gobyernong tulungan tayong pahalagahan ang biyayang ito, kaya’t panahon nang magkaroon ng reporma sa PhilHealth.