433 total views
Imunungkahi ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagpapababa o pagtigil muna sa sinisingil na buwis sa mga negosyo ngayong panahon ng pandemya.
Ito ang rekomendasyon ni CBCP-Permanent Committee on Public Affairs Executive Rev. Fr. Jerome Secillano upang matulungan ang mga micro small and medium enterprises upang hindi magsara.
“Maaaring magbigay ng “tax cuts o exemption” ang pamahalaan sa mga estabisimiento o di kaya’y magkaloob din ng pinansiyal na suporta sa kanila, katulad ng ginawa sa Estados Unidos, para di tuluyang magsara ang mga ito na lalo pang magdudulot ng kawalan ng trabaho,” ayon sa mensahe ng Pari sa Radio Veritas.
Ginawa ni Fr. Secillano ang pahayag matapos iulat ng Philippine Statistics Authority na bumaba sa 6.4% o 3.16-milyon ang bilang ng mga walang trabaho noong November 2021 kumpara sa 7.4% noong October 2021.
Iginiit ng Pari na hindi sapat ang pagbibigay ng pansamantalang suliranin sa problema katulad ng tulong pinansyal na madaling maubos.
“‘Stop gap measures’ ang malimit na ginagawa ng pamahalaan katulad ng pagbibigay ng ayuda sa mga mamamayan. Ngunit hindi ito sapat dahil pansamantala lang na ginhawa ang dulot nito,” ayon sa mensahe ng Pari.
Pagbibigay-diin pa ni Fr. Secillano na kanyang inaasahan ang pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho.
Ito ay dahil na rin sa paghahanda ng mga negosyo at establisyemento sa panahon ng Pasko kung saan maraming manggagawa ang sumang-ayon na maging pansamantalang empleyado.
“Artipisyal ang datos ng diumano’y pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho noong buwan ng Nobyembre. Ito’y inaasahan na dahil muli ng nagbukas ang mga establisimiento kasama na ang ‘business sector’, at marami ding manggagawa ang pansamantalang inupahan gawa ng malaking demand sa panahon ng Pasko,” ani Fr. Secillano.