259 total views
Kapanalig, napakaraming problemang idinulot ng COVID-19 sa buhay ng tao sa buong mundo. Hindi lamang sakit at kamatayan ang dinala nito sa mga napakaraming tao. Pinalala rin nito ang hindi pagkapantay-pantay ng mga tao sa mundo.
Bago magka-pandemya, marami ang umasa na papatak na o magti-trickle down na ang kaunlaran, lalo sa mga mahihirap sa Asya. Mabilis kasi ang naging pagsulong ng Asya. Sa katunayan, growth leader ito sa buong mundo bago magka-COVID-19. Ang Pilipinas nga, noong nakaraang administrasyon, ay nakaranas ng growth spurt. 6.2% ang annual growth rate noon. Nakakapanlumo kasi nitong 2020, -9.5% ang growth rate ng bansa. Lumala ang pagkalugmok ng ating ekomiya dahil sa mga epekto ng pandemya. Nitong 2021, unti-unti na tayong muling bumabangon.
Sa pagbangon na ito, kailangan natin masiguro na walang maiiwan sa laylayan. Kapanalig, ang isa kasing pagkukulang sa lipunan na pinalutang ng pandemya ay ang lubhang di pagkapantay-pantay ng mga tao sa lipunan. Kitang kita natin na mas malala ang epekto ng pandemya sa mga maralita at marginalized kumpara sa mga nakakabuti ang antas sa buhay. Mas maraming kabataan at babae ang nawalan ng trabaho, mas nahirapan ang mga seniors gumalaw sa lipunan, mas hirap ang access sa edukasyon ng mga estudyanteng mahirap, at halos mamulubi na sa hirap ang mga ordinaryong manggagawa at mamumuhunan sa bansa. Hangga’t hindi matatapos ang pandemya, mas dadami pa ang bilang nila.
Kaya nga’t napakahalaga na tutukan natin ang mga inequalities sa ating lipunan upang pantay-pantay at sabay-sabay ang ating pag-angat sa buhay. Hangga’t hindi natin natutugunan ito, hindi tunay na makaka-angat ang bayan. Ang malaking inekwalidad sa lipunan ay magdudulot ng mas mababang consumer consumption, kakulangan sa human capital, at pagtaas ng antas pangungutang. Ang lahat ng ito ay may epekto sa kabuuang ekonomiya ng bayan.
Hindi lamang iyan, kapanalig. Kung mas maraming dehado sa lipunan, sa kalaunan, dadami din ang krimen sa ating paligid. Maari rin itong magdulot ng mas malakawang korupsyon sa iba-ibang sektor. Mawawala ang kapayapaan at kaayusan sa bayan.
Ang ilan sa maaring tugon sa isyung ito kapanalig ay mga polisiya na magbibigay ng mas malawak at makabuluhang social protection, retraining programs para sa mga nawalan ng trabaho upang mabuksan ang mas maraming oportunidad kumita, at ang paglaan ng budget para buhayin muli ang ekonomiya. Kapanalig, sabi sa Deus Caritas Est, “Sa lipunang nanalig sa Panginoon, wala dapat puwang para sa kahirapang nagnanakaw ng dignidad ng mamamayan.” Ang hindi pagkapantay-pantay sa lipunan ay sampal sa dignidad ng tao. Hindi dapat natin itong hinahayaang umiral sa ating bayan.
Sumainyo ang Katotohanan.