164 total views
Mariing kinondena ng Commission on Human Rights ang direktiba ng pamahalaan hinggil sa paghuli sa sinumang tatangging magpabakuna o lalabag sa quarantine restrictions laban sa COVID-19.
Inihayag ni CHR Spokesperson Atty. Jacquelin Ann de Guia na maliban sa labag sa karapatang-pantao, hindi rin nakasaad sa 1987 Constitution ang batas kung saan ang indibidwal na hindi nagpabakuna ay maituturing na isang kriminal.
“Presently, there is no law that makes being unvaccinated a crime, nor is there any law that would satisfy the Constitutional provision on curtailing freedom of movement. Any arrest made on these grounds may be illegal; thus, violative of the Constitution and our guaranteed human rights,” pahayag ni Atty. de Guia.
Inihayag ng tagapagsalita na labag sa konstitusyon ang “warrantless arrest” maliban na lamang kung maaktuhang gumagawa ng krimen ang isang indibidwal at iginiit nito na ang hindi pagpapabakuna laban sa COVID-19 ay hindi isang krimen.
“The present directive to arrest unvaccinated individuals on-the-spot does not satisfy the said exemptions, aside from the fact that, as mentioned, no crime is being committed,” ayon kay de Guia.
Binigyang-diin naman ni de Guia na sa halip na magpatupad ng mga ganitong uri ng direktiba, mas pagtuunan na lamang ng pansin ng pamahalaan ang mga piitan sa bansa kung saan nagsisiksikan ang maraming preso na maaari namang maging dahilan ng mas malalang hawaan ng COVID-19.
Samantala, panawagan ng CHR sa Administrasyong Duterte na magpatupad ng mas makatarungang pamamaraan na matutugunan ang mga suliranin hinggil sa pagpapabakuna at mas mahihikayat ang mamamayan na magpabakuna laban sa nakahahawa at nakamamatay na virus.
“CHR urges the government to employ a human rights-based approach on the matter, wherein education on the importance of vaccinations will continue to be pursued; vaccine hesitancy, access, and supply will be addressed; and alternatives to arrests will be explored, including understanding why others insist on going out despite being unvaccinated and providing a win-win solution,” saad ni de Guia.
Patuloy namang kinikilala at ginagalang ng Simbahang Katolika ang malayang pagpili ng sinuman sa pagnanais nitong magpabakuna o hindi batay sa kanyang konsensya.
Ngunit sakaling hindi magpabakuna ang isang indibidwal, tungkulin naman nitong patuloy na pangalagaan ang sarili maging ang kapwa upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19.