346 total views
Mahigit apat na buwan bago ang halalan at napipintong muling pagpapatupad ng mahigpit na panuntunan ng community quarantine, naniniwala ang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na tuloy ang national and local elections sa Mayo.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano ng CBCP on Public Affairs, makakagulo lamang kung ipagpapaliban pa ang halalan.
“Nope. It will be a catastrophe. Only the COMELEC can decide, not even the President,” ayon kay Fr. Secillano.
Giit ng Pari, tanging ang Commission on Elections lamang ang maaaring magpasya kaugnay sa halalan at hindi ang virus maging ang Pangulo ng bansa.
Nangangamba ang ilang grupo sa posibleng ‘No election scenario’ dahil sa kumakalat na balitang ‘total lockdown’ kasabay ng pagtaas ng bilang ng kaso ng mga nahahawaan ng COVID-19 na umaabot ng higit 20 libo sa loob lamang ng isang araw.
Ayon sa Department of Health, dahil sa pagtaas ng kaso, may higit na sa 100 libo na ang active cases sa bansa mula sa kabuuang 2.8 million na nahawaan sa loob ng dalawang taon ng pandemya.
Sa Pebrero, itinakda ng COMELEC ang campaign period para sa national candidates at Marso naman sa mga lokal na kandidato.