170 total views
Muling hinikayat ng Diocese of Baguio ang mga mananampalataya na patuloy na sundin ang mga minimum public health standards hinggil sa pag-iingat laban sa COVID-19.
Ito’y kasunod ng muling pagpapatupad sa Baguio City ng panibagong quarantine classification status kung saan isasailalim ang lungsod sa Alert level 3 dahil sa banta ng Omicron variant hanggang January 15, 2022.
Ayon kay Bishop Victor Bendico na katulad ng dati ay susundin lamang ng diyosesis ang mga panuntunang ipinatutupad ng pamahalaan upang patuloy na maligtas ang publiko sa nakakahawang sakit.
“Wala naman akong ibang instructions para sa Diocese. Tulad pa rin ng dati, we just follow government protocols,” pahayag ni Bishop Bendico sa panayam ng Radio Veritas.
Maliban sa palagiang pagsusuot ng face masks at pagsunod sa physical distancing, ipapatupad din sa diyosesis ang 30-porsyento ng seating capacity sa loob ng simbahan para sa mga bakunadong mananampalataya batay na rin sa alituntunin sa ilalim ng alert level 3 status.
Habang sa labas naman ng simbahan ay pahihintulutan ang 50-porsyento ng kapasidad para naman sa mga hindi bakunadong indibidwal.
Batay sa tala ng Baguio City COVID-19 Monitoring, naitala ang 310 panibagong kaso ng virus sa lungsod kaya umabot na ngayon sa 927 ang aktibong kaso.
Patuloy ding hinihimok ng pamahalaan at simbahang katolika ang mamamayan na magpabakuna na laban sa COVID-19 upang maiwasan ang panganib na maidudulot ng virus sa kalusugan ng tao.