402 total views
Hinahangaan ng Kinatawan ng Kanayang Kabanalan Francisco ang matatag na pananampalataya ng mga Filipino at pagtutulungan sa gitna ng krisis na naranasan.
Ito ang pahayag ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown sa kanyang pastoral visit on the air ng Radio Veritas hinggil sa pagbisita sa Diocese of Surigao na labis napinsala ng bagyong Odette.
Ayon sa arsobispo bagamat maraming tahanan at mga simbahan ang nawasak ng bagyo hindi natitinag ang pananalig ng mga Filipino sa Panginoon.
“Such a profound respect and admiration for the faith of the Filipino people down there in Surigao and in Bohol and all of these places that got hit by the typhoon, their faith is really unconquered; your church is partially collapsed but your faith is not collapsed at all, so strong and its beautiful to see your faith,” bahagi ng mensahe ni Archbishop Brown.
Bagamat nakalulungkot makita ang pinsalang dulot ng bagyo mas nangingibabaw ang pagkamangha ng nuncio sa pananatiling masiyahin at pagtutulungan ng mamamayan sa mga komunidad na kanyang dinalaw.December 25 nang magtungo si Archbishop Brown sa Surigao Del Norte sakay ng isang relief flight patungong Siargao Island upang personal na tingnan at alamin ang lawak ng pinsala at makapiling ang mananampalataya sa Pasko ng Pagsilang ng Panginoon.
“I didn’t see discouragement, I saw determination as the people are working together; you will see a synodal church in the sense that everyone is helping to go forward together trying to repair the damages from the typhoon no one left behind even the poorest people,” ani ng nuncio.
Bukod sa Siargao Island at Surigao City binisita rin nito ang Dinagat Island kung saan batay sa kasaysayan si Archbishop Brown pa lamang ang kauna-unahang kinatawan ng Santo Papa ang nakadalaw sa lugar.Batay sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) ng Surigao Del Norte mahigit sa isang bilyong piso ang pinsalang natamo sa lalawigan.
Dahil dito umapela si Archbishop Brown sa mamamamayan na tulungan ang mga nasalanta sa pamamagitan ng pagbibigay ng donasyon sa mga institusyong tulad ng Caritas Manila at Caritas Philippines.
“Please be generous and let us help these people,” dagdag pa ni Archbishop Brown.
Nauna nang nagpaabot ng isang milyong pisong tulong pinansyal ang Caritas Manila sa Diocese of Surigao para sa relief and rehabilitation efforts ng simbahan sa mga nasasakupang mamamayan habang naghahanda naman sa reconstruction phase na pagtugon ang simbahang katolika.