500 total views
Kapanalig, ang kawalan ng trabaho ay isa sa mga pinakamalaking problemang dinulot ng pandemya sa ating bansa. Ayon nga sa Labor Force Survey, 8.9% ang unemployment rate sa bansa noong Setyembre 2021, kumpara sa 8.1% noong Agosto 2021. Ang 8.9% unemployment rate ay katumbas ng 4.25 milyong Filipinong walang trabaho.
Limang sektor ang may mataas na bilang ng mga nawalan ng trabaho noong Setyembre 2021. Ito ay ang agriculture kung saan 862,00 ang nalagas na trabaho, manufacturing (343,000), ICT (126,00), mining and quarrying (75,000), at real estate (69,000).
Kapanalig, ang pagkawala ng trabaho sa mga sektor na ito ay hindi lamang epekto ng pandemya. Nagbabago na rin ang work landscape hindi lamang sa ating bansa kundi sa buong mundo. Kailangan na nating maghanda at sumabay sa mga pagbabagong ito.
Noong kabataan natin, kapag tinatanong tayo kung ano ang nais nating trabaho sa hinaharap, sinasabi natin gusto nating maging doctor, maging nars, teacher, o pulis. Ito ay may mga tradisyunal na trabaho na nakasanayan natin. Ngayon, mas marami ng opsyon ang pwede nating pagpilian.
Ayon sa isang pag-aaral, binago ng globalisasyon at automation ang mga trabaho sa job market. Marami ng trabaho ngayon ang sumulpot na wala naman dati. Kaya dapat lamang, mayroon tayong mga skills o kasanayan na ating magiging kasangga sa paghanap ng trabaho.
Ngayon, bumababa na ang demand para sa mga manual skills dahil na rin sa automation. Dati rati, ang assembly line sa maraming factories ay binubuo ng tao, ngayon, mga robots at makina na. Ang mga trabahong mataas ang tsansa na maging automated pa lalo ay nasa hanay ng mga cleaners at helpers, agricultural labourers, pati na rin sanitation workers.
Iba-iba na ring skills o kasanayan ang hinahanap sa merkado ngayon. Dati kailangan ang lakas ng katawan at literal na pagbanat ng buto sa trabaho. Ngayon, mas marami ng trabaho sa information technology at komunikasyon, knowledge exchange, sa data analysis, sa larangan ng agham at medisina, sa internet, online businesses, at iba. Ang pagbabagong ito ay kailangan mapaghandaan, lalo na ng education sector ng ating bayan. Mula pa lamang basic education, kailangang maturuan na tayo ng mga kasanayan na magsisiguro ng makabuluhan at disenteng trabaho para sa lahat.
Kapanalig, ayon sa Sacramentum Caritatis, bahagi ng Catholic Social teachings, “Ang trabaho ay pundamental sa kaganapan ng ating pagkatao at sa kaunlaran ng lipunan.” Kung ang ating lipunan ay hindi at mapapaghanda makakapag-laan ng marangal na trabaho sa mga mamamayan, tayo mismo ang naghahadlang sa ating kasulungan.
Sumainyo ang Katotohanan.