234 total views
Mga Kapanalig, umabot na sa 407 katao ang iniwang patay ng Bagyong Odette. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, 75 sa mga biktima ang kumpirmado na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (o NDRRMC) habang sumasailalim pa sa validation ang iba. Sa pampublikong imprastraktura, tinataya ng Department of Public Works and Highways (o DPWH) na nasa 2.8 bilyong piso ang pinsalang dala ng bagyo.
Sa lawak ng pinsalang idinulot ng bagyo, marapat lamang na siyasatin ang kalidad ng mga nasirang imprastraktura. Noong isang linggo, pinuna ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (o CBCP) President Bishop Pablo Virgilio “Ambo” David ang isang national highway sa Cebu na nasira sa kasagsagan ng bagyo. Kitang-kita sa mga litratong wala man lang steel bars ang kalsada. Ani Bishop Ambo, hindi nakapagtatakang nadurog at iniwan ni Bagyong Odette na parang dinurog na biskwit ang kalsada. Tanong pa ng obispo, sinong gagawa ng isang national highway sa ganitong paraan?
Kahindik-hindik din ang isang video kung saan makikita ang mga bata at babaeng nag-iiyakan habang unti-unting natutuklap ang bubong ng Siargao Sports Complex Gymnasium. Bahagi ang pasilidad na ito ng 630 milyong pisong proyekto upang mabuo ang Siargao Island Sports and Tourism Complex sa ilalim ng “Build, Build, Build” program ng kasalukuyang administrasyon. Kabubukas lamang sa publiko ng pasilidad noong Nobyembre, sa pangunguna mismo ni Pangulong Duterte. Inasahan ng mga residente ng Siargao na maaari nilang gawing kanlungan ang pasilidad habang nanalasa ang Bagyong Odette, ngunit nalagay pa lalo sa panganib ang kanilang buhay.
Sa gitna ng mga kontrobersiyang ito, tanong ng ilang concerned citizens: bakit kaya mabilis nasira ang mga ito gayong malaki ang ginastos ng ating pamahalaan upang ipatayo ang mga ito? May bahid na naman kaya ito ng katiwalian? Kung inyong matatandaan, Enero ng nakaraang taon nang sibakin sa puwesto ang 14 na inhinyero ng DPWH dahil sa isyu ng katiwalian. Kailangan ng imbestigasyon sa mga imprastrakturang nasira ng bagyo upang masigurong nagagamit ang kaban ng bayan para sa mga proyektong tunay na kapakipakinabang sa taumbayan, lalo na sa panahon ng sakuna.
Itinuturing ng mga panlipunang turo ng Simbahan ang katiwalian bilang isa sa mga pinakaseryosong kapinsalaan ng demokratikong pamamahala. Ang katiwalian ay pagtataksil sa tiwala ng taumbayang umaasa sa pamahalaang maitaguyod ang kanilang mga karapatan at kaunlaran. Maituturing na kawalan ng katarungan ang korapsyon dahil ipinagkakait nito sa taumbayan ang mga dekalidad na serbisyong dapat nilang nakakamit at napakikinabangan. Sa pagtataksil na ito, humihina ang tiwala ng mga mamamayan sa mga institusyon at nawawalan sila ng ganang makilahok sa pamamahala. Sa madaling salita, hindi lamang porma ng pagnanakaw ang katiwalian. May malalim itong epekto sa ating kaunlaran at hadlang ito sa pagbubuo ng isang mulát na taumbayan.
Sa tindi ng pinsala ng Bagyong Odette sa mga pampublikong imprastraktura pa lamang, tumingkad ang ugnayan ng katiwalian at kaligtasan ng buhay ng tao. Kung mayroon tayong mas matitibay at maaayos na mga kalsada at pasilidad, maaaring mabawasan ang mga pinsalang dulot ng mga kalamidad o ‘di kaya’y mas maagap na makapaghahatid ng tulong ang pamahalaan at iba’t ibang sektor. Kung masisiguro nating nagagamit nang wasto ang pera ng bayan, mayroon tayong matitibay at maayos na mga imprastraktura. Kung walang katiwalian sa pamahalaan, maitataguyod natin ang kabutihang panlahat.
Mga Kapanalig, ayon nga sa Mga Kawikaan 15:27, “Ang gahaman sa salapi ay nauuwi sa kaguluhan…” At lalong nakasusuklam kung ginagamit ang pamamahala ng mga gahaman. Kasabay ng ating pagbangon at patuloy na panawagan upang maibsan ang climate change, nawa’y huwag nating makalimutang papanagutin ang ating mga lider sa mahusay at tamang paggamit sa ating buwis, lalo na’t buhay natin ang nakataya.