154 total views
Iginiit ng Department of Health na ang proteksyong hatid ng COVID-19 vaccine ay mahalaga upang maiwasan ang posibilidad ng malalang epekto ng virus sa katawan.
Ayon kay National Vaccination Operations Center Chairperson at Health Undersecretary Myrna Cabotaje na ngayong batid ang banta ng Omicron variant, dapat higit na isaalang-alang ng mamamayan ang kaligtasan ng bawat isa upang tuluyan nang masugpo ang pandemya.
“Kailangang mag-ingat tayong lahat at mabakunahan kasi vaccination offers a layer of protection in order to mitigate ang COVID-19 transmission at ma-ensure na hindi gaanong serious, less severe if tayo ay na-infect ng COVID-19 Omicron variant,” bahagi ng pahayag ni Cabotaje sa panayam sa Veritas Pilipinas.
Batay sa tala, higit sa 30-milyon ng populasyon ng Pilipinas ang magpahanggang-ngayon ay hindi pa rin nakakatanggap ng anumang dose ng COVID-19 vaccine.
Layunin ng pamahalaan na mabakunahan ang nasa 90-milyong Filipino bago matapos ang Hunyo 2022.
Kabilang din dito ang makapaglaan ng 72-milyong booster shots para sa adult population mula 18 taong gulang at pataas; mabakunahan ang higit 12-milyong populasyon ng mga nasa 12 hanggang 17 taong gulang; at 15-milyon naman ng mga nasa lima hanggang 11 taong gulang.
Sa kasalukuyan, mahigit sa 53-milyong Filipino na ang kumpleto na sa bakuna kontra COVID-19, habang nasa higit 3-milyon naman ang nakatanggap na ng booster shots.
Naitala rin ngayon ng Pilipinas ang 32,246 na panibagong kaso ng virus dahilan upang umabot sa mahigit 208,164 ang aktibong kaso.
Samantala, kinikilala at ginagalang ng Simbahang Katolika ang malayang pagpili ng sinuman sa pagnanais nitong magpabakuna o hindi batay sa kanyang konsensya.
Ngunit sakaling hindi magpabakuna ang isang indibidwal, tungkulin naman nitong patuloy na pangalagaan ang sarili, maging ang kapwa upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19.