665 total views
Sanay tayo, kapanalig, na itumbas ang resilience sa pagbangon o recovery sa anumang trahedya na ating napagdaanan. Sanay tayo na ikasing-kahulugan ang resilience sa pagiging matiisin sa bawat paghihirap na nararanasan. Tama ba na ganito ang ating pananaw ukol sa resilience?
Ayon sa UN, ang resilience ay ability of a system, community or society exposed to hazards to resist, absorb, accommodate to, and recover from the effects of a hazard in a timely and efficient manner, including through the preservation and restoration of its essential basic structures and functions. Base sa depinisyon na ito, hindi lamang ukol sa recovery ang resilience, kapanalig. Ito rin ay abilidad na kailangan bago pa man, o habang nakakaranas ng panganib.
Nitong nakaraang taon, hindi naging maganda ang performance ng ating bayan sa Covid-19 Resilience Ranking, 2021. Pangalawa tayo sa huli kapanalig, at mahirap man tanggapin, kailangan natin suriin kung bakit nangyari ito. Sa pagsusuri nito, marami tayong mga leksyon na maaring matutunan na tutulong sa atin na maging mas matatag pa bilang lipunan laban sa mga krisis gaya ng pandemya.
May isa ring pag-aaral noong 2018 na sumukat naman ng resiliency ng mga kabahayan sa Compostela Valley laban sa mga climate-induced landslides at flashfloods. Nakita ng pag-aaral na ito na maaring naka-depende pa rin sa external assistance ang mga vulnerable households upang makabangon sa mga mga kalamidad.
Mahalaga, kapanalig, na ating masukat ang resiliency ng Filipino. Malaki ang maitutulong nito upang ating maunawaan na ang resilience ay hindi lamang ukol sa pagbangon at pagtitiis, ito rin ay para sa paghahanda at pagkilos. Ang ating bansa ay bulnerable sa mga natural disasters, gaya ng bagyo, lindol, pati pagputok ng bulkan kaya’t napakahalaga na hindi makitid ang ating pananaw ukol sa resiliency.
Kapanalig, ang resilience ng indibidwal at lipunan ay mahalaga sa ating quality of life. Ang kawalan ng kahandaan at kapabilidad na umiwas o humarap, lumaban o magparaya, at bumangon sa anumang paghihirap, kasama na ang kawalan ng kakayahang magdesisyon kung ano ang gagawin, ay nagbibigay sa mga tao ng undue anxiety, stress, at minsan, depression. Lahat ng ito ay nagpapababa ng kalidad ng ating buhay.
Kapanalig, ang mga sakuna, gaya halimbawa ng mg epekto ng climate change, ay hindi lamang political o partisan o pang-indibidwal na issue. Ayon nga sa Global Climate Change: A Plea for Dialogue, Prudence, and the Common Good, ang mga sakunang gaya nito ay ukol sa kinabukasan ng nilikha ng Panginoon at ng ating “human family.” Kaya nga’t napakahalaga ng tunay na resilience. Kung tunay nating mauuwaan ito, ang pagharap natin sa anumang sakuna ay mas akma, at mas magbibigay sa ating lipunan ng sapat na kakakayahan at abilidad na humarap sa kahit anumang krisis o problema.
Sumainyo ang Katotohanan.