353 total views
Huwag ng pahirapan ang mamamayang nakakaranas ng ibat-ibang suliranin dahil sa pandemic.
Ito ang mensahe ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippine Permanent Committee on Public Affairs Executive Secretary Rev.Fr.Jerome Secillano sa pagpapairal ng “NO VACCINE NO RIDE POLICY” ng Department of Transportation (DOTR) bukas January 17 2022.
Sinabi ng Pari na nararapat bigyan ng maayos na pamumuhay na may dignindad ang mamamayang Pilipino.
“Wag naman sana’ng mga mahihirap na Pilipino na naman ang unang ma-a-apektuhan ng ganitong polisiya, Nais nating mabigyan ng pagkakataon na lahat ng mg Pilipino ay mabuhay ng mapayapa at matiwasay ngayong panahon ng pandemya,” ayon sa mensahe ng Pari na ipinadala sa Radio Veritas.
Tinukoy ni Father Secillano ang kakulangan sa kita ng maraming manggagawa dahil sa pagkatanggal sa trabaho at pagkawala ng kabuhayan.
“Alam nating lahat na mahirap kumita at maghanap-buhay ngayong panahon ng pandemya,” pagbabahagi pa ng Pari.
Pagbibigay diin ni Father Secillano na tungkulin ng Pamahalaan na tulungan ang mamamayan sa halip na pahirapan.
Sinabi ng pari na dapat tiyakin ng pamahalaan na ang bawat mamamayan ay kasabay sa mga pag-asenso at kabilang sa mga isinasagawang programa ng gobyerno.
Iginiit ng Pari na hindi makakatulong sa mga Pilipino ang pagpapatupad ng polisiya na magdudlot ng paghihirap.
“Obigasyon ng pamahalaan na tulungan ang taong-bayan. Ang trabaho ng pamahalaan ay siguraduhing hindi naiiwan ang mga ordinaryong Pilipino sa serbisyong ipinagkakaloob nito, Hindi makakatulong kung mismong pamahalaan ang gagawa ng polisiya na hindi makakatulong sa mga ordinaryong Pilipino,” ayon pa kay Fr.Secillano.