387 total views
Inihayag ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. na mahalang sundin ang kalooban ng Panginoon sa paghalal ng mga pinuno ng bayan.
Ito ang mensahe ng obispo sa Pulitika at Pananampalataya segment ng Barangay Simbayanan ng Radio Veritas 846.
Paliwanag pa ng 1987 Constitution framer na nararapat gawing batayan ng mga botante ang kaloob ng Diyos sa pagpili ng mga lider.
“Napakahalaga na ang unang disposition ng tao ay ang makiisa sa Diyos, ano ba ang kalooban ng Diyos? Sa lahat ng pipiliin mo, mahalagang itanong muna kung ano ba ang gusto ng Diyos?” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng obispo na kung susundan ang makamundong standards sa pagpili ng mga pinuno malaki ang posibilidad na iiral sa lipunan ang makamundong uri ng pamamahala at isasantabi ang gawaing maka-Diyos.
“Without this discipline wala tayong pag-asa na makakamtan ang mga leaders na tama para sa atin,” giit ng obispo.
Bukod dito hinimok ni Bishop Bacani ang mamamayan lalo na ang 63-milyong botante na suriing mabuti ang bawat kandidato partikular na ang pinagmulan, kakayahan at karanasan sa paglilingkod sa pamayanan.
Kinundena ng obispo ang laganap na fake news sa lipunan lalo na sa social media na unang pinangangambahang makaapekto sa nalalapit na 2022 National and Local Elections sa Mayo.
“Dapat nating tingnan ano nga ba ang katotohanan tungkol sa ating mga pinapipilian, look at the facts, search for the truth,” ani Bishop Bacani.
Ang Pulitika at Pananampalataya ni Bishop Bacani ay bahagi ng One Godly Vote campaign ng Radio Veritas 846 – media arm ng Archdiocese of Manila na layong matulungan ang mga botante na kilalanin ang mga personalidad na kumandidato sa nalalapit na halalan.
Sa gitna ng laganap na fake news sa lipunan tiniyak ng simbahan ang pagpapaigting sa voter’s education campaign upang mabigyang kamalayan ang mga botante sa pagpili ng mga lider para sa kapakinabangan ng mga susunod na henerasyon.