469 total views
Umapela sa pamahalaan si Diocese of Mati Bishop Abel Apigo hinggil sa mining operations na naging sanhi ng malawakang siltation sa Mapagba at Pintatagan River sa Banaybanay, Davao Oriental.
Ayon kay Bishop Apigo, nawa’y pakinggan na ng pamahalaan ang matagal nang panawagang itigil ang pagsasagawa ng pagmimina sa lalawigan na sa halip na makatulong ay lalo lamang nag-iiwan ng matinding pinsala sa kalikasan at pamumuhay ng mga apektadong komunidad.
“‘Yung pag-lift sa mining moratorium ang nag-encourage na bumalik ang Riverbend Consolidated Mining Corporation (RCMC) para magpatuloy sa pagmimina dito sa Davao Oriental,” pahayag ni Bishop Apigo sa Radio Veritas.
Sinabi ni Bishop Apigo na noong nakaraang taon ay nagpasa na rin ng petisyon and Diyosesis upang mapigilan ang pagmimina sa lalawigan ngunit hindi pa rin ito binibigyang-pansin ng mga kinauukulan.
“Makapal ‘yung petition namin last year. Dinala namin kay President Rodrigo Duterte, kay Environment Secretary Roy Cimatu, then kay Honorable Cynthia Villar, kasi siya ang chairwoman ng Senate on Environment and Natural Resources, at tsaka sa Congress, kay Honorable Elpidio Barsaga Jr. Very painful kasi hindi nila pinapakinggan ‘yung problema at panawagan namin dito sa ground,” saad ng Obispo.
Binigyang-diin naman ng Obispo na hindi mananatiling tugon ang pagmimina sa pag-unlad ng lalawigan at ng bansa kung ang resulta naman nito ay pagkasira ng inang kalikasan at paghihirap ng mga tao.
Giit ni Bishop Apigo na mas makabubuting pagtuunan na lamang ng pansin ng pamahalaan ang pagpapanatili at pagsasaayos sa likas na yaman ng Davao Oriental na tiyak na makakatulong upang mapaunlad ang lokal na turismo ng lalawigan.
Aniya, ang pagpapanatili at pangangalaga din sa kalikasan ang magbibigay ng pagkakataon at karapatan sa mga susunod na henerasyon na matunghayan ang likas nitong kagandahan.
“Davao Oriental is rich and beautiful in terms of natural resources, mga dagat, beaches, and mountainsides. Please let us preserve this beautiful creation of God so the future generations can still enjoy the beauty of Davao Oriental,” ayon kay Bishop Apigo.
Sa kasalukuyan, naglabas na ang DENR-Davao ng cease and desist order at notice of violation para sa RCMC dahil sa pagkakasangkot sa insidente ng siltasyon sa ilog ng Mapagba at Pintatagan.
Magugunita naman nitong Disyembre 2021 nang bawiin ng Administrasyong Duterte ang nationwide ban on open-pit mining na nagbunsod upang muling makapagsagawa ng operasyon ang mga mining companies sa bansa.