395 total views
Hinikayat ni Apostolic Vicariate of Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang mamamayan na gawing gabay ang Salita ng Diyos sa bawat oras.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagdiriwang ng ‘Sunday of the Word of God’ kung saan binigyang diin ang kahalagahan ng mga Salita ng Diyos sa araw-araw na pamumuhay ng tao
Batid ni Bishop Pabillo ang napakahalagang responsibilidad ng mamamayan sa nalalapit na halalan sa Mayo 2022 kaya’t inaasahan nitong sa tulong ng mga Salita ng Diyos ay magabayan ang 63-milyong botante sa pagpili ng mabubuting lider ng bansa.
“Sa anumang desisyon natin, sana ginagabayan tayo ng Salita ng Diyos,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Muling iginiit ni Bishop Pabillo ang pagbabasa ng bibliya sapagkat dito nakalimbag ang mga Salita ng Diyos na makatutulong magabayan ang mamamayan at mapalalim ang ugnayan sa Panginoon.
Naniniwala ang opisyal na sa tulong at gabay ng mga Salita ng Diyos mailuklok ng taumbayan ang mga lider na may pagpapahalaga sa bayan, sa kalikasan, nagsusulong sa interes ng nasasakupang mamamayan at higit sa lahat ang pagiging maka-Diyos.
Sa nalalapit na pagsisimula ng pangangampanya sa Pebrero mas pinaigting ng simbahan ang iba’t ibang voter’s education campaign na makatutulong sa ‘discernment’ ng mga botante sa mga karapatdapat na kandidato.
Kabilang na rito ang ‘Train the Trainers’ at siyam na buwang novena masses ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting, ‘Halalang Marangal 2022’ ng Caritas Philippines at ang ‘One Godly Vote’ ng Radio Veritas 846 – ang media arm ng Archdiocese of Manila.
Layunin ng mga programang ipaunawa sa mahigit 60-milyong botante ang kahalagahan ng pagsasaalang-alang ng mga turo ng simbahan sa pagpili ng mga lider ng bayan.