195 total views
Bilang isa sa mga bansa na bulnerable sa mga natural na sakuna, laging aandap-andap ang ating puso at isipan. Lagi tayong nag-aalala sa kung ano mang susunod na kalamidad ang maaring tumama sa ating bansa.
Nasa ring of fire kasi ang ating bansa. Nasa typhoon belt pa. Ayon nga sa Global Climate Risk Index, sa 180 na bansa, pang-apat tayo sa mga bansa na pinaka-apektado ng mga extreme weather events. Mula 2000 hanggang 2019, nakaranas tayo ng 317 na extreme weather events at dahil sa climate change, dadami pa ito.
Ang kasalukuyang kalagayan din ng ating mga syudad at bayan-bayanan ay exposed na exposed sa sakuna. Ang ating mga syudad ay gumagapang na tungo sa lalawigan. Ang Metro Manila ay nag-e expand sa Greater Manila – NCR plus na nga ang tawag ngayon. Ang pag-gapang na ito kadalasan hindi planado, at nagdudulot ng kasikipan sa ating mga kabahayan at lansangan. At dahil dito, nasisira ang ating kapaligiran, kinakamkam natin pati mga natural na daluyan ng katubigan, at kinakalbo natin ang mga natitirang kagubatan. Ang resulta, baha agad sa malaking bahagi ng syudad, kahit pa kaunting ulan lamang.
Ang ating mga coastal areas ay bukas na bukas rin sa hagupit ng mga bagyo. Kitang kita natin ito sa epekto ng Bagyong Odette na nagpadapa sa maraming mga coastal towns sa ating bayan. Ang bagyo ay nagdadala hindi lamang ng malakas na ulan at hangin, nagdudulot rin ito ng pag-guho ng lupa. Kaya nga’t marami ang nagtatanong, paano ba tayo mapapanatag sa ganitong sitwasyon?
Kapanalig, ang ating kapanatagan ay nakasalalay sa ating paghahanda at pag-lilinang ng ating kaalaman at kasanayan sa disaster risk reduction at climate action interventions. Unang-una kapanalig, kailangan natin maunawaan ang mga disaster risk – saan ba kadalasan dumadaan ang mga bagyo? Saan ang mga earthquake faults? Saan madaling gumuho ang lupa? Saan lagi nagbabaha? Ang mga ganitong pagsusuri ay magtuturo sa atin ng mga panganib sa ating paligid.
Kailangan din natin kapanalig, patatagin ang mga institusyon, mula lokal hanggang nasyonal na lebel na nakatoka sa disaster risk reduction and management. Tamang kaalaman, tamang gamit, at tamang tao ang kailangan para mas maayos ang ating tugon. Kailangan din natin mamuhunan o mag-invest para sa ating resilience.
Ilan lamang ito kapanalig, sa maari nating gawin upang ating makamtan ang kapanatagan ng loob sa harap ng mga sakunang maaring dumapo sa ating bayan. Responsibilidad natin ang kaligtasan ng bawat isa. Maari nating mailapat ang kataga mula sa The Challenge of Peace: God’s Promise and our Response ng mga US Catholic Bishops sa sitwasyong ito: Either we shall learn to resolve these problems together, or we shall destroy one another. Mutual security and survival require a new vision of the world.