407 total views
Itinalaga ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga bagong kinatawan ng iba’t ibang ministries ng Arkidiyosesis.
Sa inilabas na sirkular, itinalaga si Fr. Reginald Malicdem bilang Tagapagsalita ng Arkidiyosesis; si Fr. Jerome Secillano bilang Minister ng Ministry on Public Affairs; at Fr. Enrico Martin Adoviso bilang Minister ng Ministry on Socio-Political Advocacy o Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Samantala, kasabay ng pagbati at pananalangin sa mga bagong kinatawan, nagpapasalamat naman ang Arkidiyosesis sa pag-aalay ng sarili at dedikasyon sa serbisyo nina Fr. Atilano Fajardo, CM at Msgr. Hernando Coronel bilang mga dating ministro ng Public Affairs at Socio-Political Advocacy (PPCRV).
Magugunitang makalipas ang ilang linggo mula nang ganap na mailuklok noong Hunyo 24, 2021 bilang bagong pinuno ng Arkidiyosesis ng Maynila, unang ipinag-utos ni Cardinal Advincula ang status quo sa mga gawain at posisyon ng mga pari at layko sa iba’t ibang tanggapan ng Arkidiyosesis.
Katuwang naman ni Cardinal Advincula sa Maynila ang higit sa 600 mga pari sa 93 parokya upang pangasiwaan ang may tatlong milyong mananampalatayang Katoliko.