378 total views
Pinaalalahanan ni Novaliches Bishop Roberto Gaa ang mananampalataya sa kahalagahan at pakikinig sa ‘Salita ng Diyos’.
Ayon sa Obispo, ang katahimikan ay isang paraan ng Panginoon nang pangungusap sa mananampalataya sa paraan ng pananalangin.
Umaasa si Bishop Gaa na nawa ang ganitong paraan ng pakikipag-ugnayan sa Diyios pamamagitan ng tahimik na pakikinig at pagtalima ay patuloy na umiral lalo na sa panahon laganap ang ingay at kaguluhan sa mundo.
“Silence is the language of God, because silence is an environment of prayer. Kaya dapat malaman natin, naglalaan ba tayo ng katahimikan kapag tayo ay nakikinig sa Salita ng Diyos, naglalaan ba tayo ng katahimikan para pagnilayan ang Salita ng Diyos. Naglalaan ba tayo ng katahimikan kapag sinusubukan natin itong isabuhay sa ating pang-araw araw na gawain,” bahagi ng homiliya ni Bishop Gaa.
Kaya’t hamon sa bawat mananampalataya ang ibayong pakikinig bilang pagpapahalaga at pag-unawa sa mensahe ng Panginoon at ang pagsasabuhay ng mga aral ng Salita ng Diyos.
Binuksan naman ng Simbahan sa unang linggo ng Enero ang National Bible Month na ang layunin ay higit pang hikayatin ang mananampalataya para ipalaganap ang kahalagahan ng ‘Salita ng Diyos’.