182 total views
Mga Kapanalig, kilala ba ninyo sina Diane, Gemma, at Lolo Narding?
Si Diane ay isang manggagawang pinigilan ng mga traffic enforcers na sumakay sa pampublikong sasakyan sa unang araw ng pagpapatupad ng “no vaccine, no ride” policy ng pamahalaan. Maaga pa naman siyang gumising para sa isang medical exam na kailangan niyang gawin para sa kanyang papasukang trabaho. Hindi siya pinayagang sumakay dahil nakakaisang dose pa lamang siya ng bakuna kontra Covid-19. Ngunit hindi niya kasalanang hindi pa ito nakumpleto dahil ang schedule ng kanyang second dose ay sa susunod pang buwan. Maluha-luhang sinabi ni Gemma na “nakakapagod na” ang ginagawa ng pamahalaan. Isa lamang siya sa daan-daang napilitang umuwi na lang at nawalan ng isang araw—o baka ilang araw pa nga—upang maghanapbuhay.
Pinuna rin ng tinderang si Gemma ang “no vaccine, no ride” policy. Sa isang interview, galit niyang sinabing naglalakad siya nang malayo dahil pinagbabawalan ang mga katulad niyang hindi pa fully vaccinated na sumakay ng pampublikong sasakyan. Ikinagagalit niya ay ang aniya’y pagpapahirap sa mga katulad niyang ordinaryong mamamayan. Nagtitiyaga raw siyang magtinda ng balut dahil hindi niya maasahan ang ayuda ng gobyerno upang matustusan ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya katulad ng tubig at kuryente. Mamamatay daw ang mga tao sa gutom kung hindi sila makakapaghanapbuhay dahil sa mga patakarang naglilimita sa galaw ng mga tao.
Ang 80-anyos na si Lolo Narding naman ay inaresto dahil sa pagnanakaw umano ng mangga mula sa puno ng kanyang kapitbahay. Siya naman daw mismo ang nagtanim ng punong nakapaloob na ngayon sa bakuran ng kanilang kapitbahay, kaya ipinapitas niya ang mga bunga nito. Nasa sampung kilong mangga ang kanyang naipapitas, ngunit nagmatigas ang kanyang kapitbahay at tumanggi itong makipagkasundo sa matanda. Tangan ang warrant of arrest, hinuli ng mga pulis si Lolo Narding para sa kasong pagnanakaw na nangyari pa noong isang taon. Ngunit mga pulis na rin mismo ang nag-ambagan para sa anim na libong pisong pampiyansa niya, kaya ngayon ay pansamantala siyang malaya.
Ang mga kuwento nina Diane, Gemma, at Lolo Narding ay sumasalamin sa pagdurusang pinagdaraanan ng napakarami nating kababayan sa isang malupit na lipunan. Sa halip na maging daan ang pagpapatupad ng mga batas upang magkaroon tayo ng patas at makatarungang lipunan, nagiging instrumento pa ang mga ito upang lalong maibaon sa hirap ang mga kapatid natin sa laylayan. Nagiging pahirap sa mahihirap ang mga naiisip na patakaran ng pamahalaan lalo na ngayong pandemya. Nagiging biktima ang mahihirap ng hindi patas na pagpapatupad ng mga ito. Malayung-malayo ang nararanasan nina Diane, Gemma, at Lolo Narding sa mga hindi na kailangang maghanap ng trabaho, hindi na kailangang kumayod para sa pamilya, at hindi napananagot ng batas kahit pa kaban ng bayan pa ang kanilang nililimas. Sina Diane, Gemma, at Lolo Narding ay tatlo lamang sa mga kapatid nating napagkakaitan ng pagkakataong palaguin ang kanilang buhay at ng pagkakataong maipagtanggol ang kanilang sarili dahil wala silang kayamanan, kapangyarihan, at koneksyon.
Sa Catholic social teaching na Evangelii Gaudium, sinabi ni Pope Francis na ang kawalang katarungan ay bunga ng pagpapabaya sa kasamaang pahinain ang anumang sistemang pampulitika at panlipunan. Kaya napakahalagang tinitiyak nating ang mga patakaran at batas sa ating bayan ay tunay na nagsusulong ng kabutihan ng lahat, lalo na ng mga katulad nina Diane, Gemma, at Lolo Narding.
Mga Kapanalig, katulad ng ipinahihiwatig sa Mga Kawikaan 28:3, “ang pamahalaang sa mahihirap ay sumisiil ay tulad ng ulang sumisira sa pananim.” Hindi tayo magkakaroon ng ganitong pamahalaan kung hindi natin pahihintulutang lasunin ito ng mga walang malasakit sa maliliit at sariling kapakanan lamang ang inuuna.
Sumainyo ang katotohanan.