354 total views
Tatlong taon bago nagsimula ang pandemya noong 2017, naanyayahan ako na pangunahan ang pananalangin sa “retirement ceremony” ng kaibigan na dati ring kasamahan sa trabaho.
Nakatutuwa pala na makita at makausap muli mga dating kasamahan maging mga naging “bossing” namin na dati’y aming iniilagan dahil baka kami masabon. Ganoon pala ang magka-edad, ang pumalo sa 50 anyos pataas, pare-pareho kaming nakasalamin at malalabo mga mata, mapuputi ang mga buhok at bago kumain, umiinom ng iba’t ibang mga gamot.
At ang mga usapan, puro “noong araw”!
Kaya naman hindi maiwasan magkumparahan sa bagong henerasyon at isang nakatatanda na retiree dati naming boss ang nagsabi, “bakit kaya mga bata ngayon maski 40 anyos na, bata pa rin?”
Napagnilay ako ng katanungang iyon at habang nagkakasiyahan kami sa mga alaala ng aming kabataan, naalala ko ang mga kuwentuhan namin noon kasi ay bihirang-bihira mapag-usapan ang Diyos at mga tungkol sa Kanya gaya ng pagsisimba at mga paksang espiritwal maliban lamang na ako ay kanilang tatanungin lalo na kapag nasa lamayan.
Kaya nawika ko sa aking sarili “marahil kaya bata pa rin mga bata ngayon maski 40 anyos na” dahil nagkulang kaming nakatatanda, ang mga magulang at mga lolo at lola ngayon sa pagdiriin ng pangangaral at pagsasabuhay ng pananampalataya.
Pansinin po natin si San Pablo paano niya itinuring sina San Timoteo at San Tito bilang kanyang mga anak habang ipinagdiinan ang kanilang pagkamulat sa pananampalataya: “Hindi ko malilimutan ang tapat mong pananampalataya, katulad ng pananampalataya ng iyong Lola Loida at ni Eunice na iyong ina. Natitiyak kong taglay mo pa ngayon ang pananampalatayang iyon. Dahil dito, ipinaalala ko sa iyo na maging masigasig ka sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos nang ipatong ko ang aking mga kamay sa ulo mo. Sapagkat hindi espiritu ng kaduwagan ang ibinigay sa atin ng Diyos kundi Espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at pagpipigil ng sarili” (1Tim.1:5-7).
Hindi ba nakakahiyang isipin na sa ngayon, ang mag-igib at maglinis ng bahay ay pawang mga “reality games” na lang sa telebisyon gayong ganito ang ating buhay noon?
Hindi ba nakakabahala na parang malaking balita ngayon yung makarinig ng mga tao na nagsusumakit sa pagsisikap na maging mabuti at marangal sa buhay at gawain?
Bakit mangha-mangha mga tao ngayon sa mga kuwento ng pagmamalasakitan ng pamilya at magkakaibigan gayong dapat naman ganoon talaga tayo sa buhay?
Hindi kaya masyadong na-spoil mga henerasyon ngayon, lahat ng kanilang hilig ay ibinigay ng mga magulang at lolo at lola di alintana masamang epekto sa gawi at pag-uugali ng mga bata? At dahil nga “napanis” o na-spoil ang mga bata, pati ang disiplina ng buhay espiritwal gaya ng pagdarasal at pagsisimba ay napabayaan.
Opo, disiplina ang pagdarasal at pagsisimba. Kapag pinabayaan mga ito at nawala sa mga tao, wala na tayong igagalang na kapwa o lugar man lamang at pagkakataon dahil maski Diyos at simbahan hindi na kayang igalang pa.
Nananatili hanggang ngayon lalo sa ating nakatatanda at di lamang sa mga bata ang misyon ni Hesus kaya siya humirang pa ng pitumpu’t dalawang mga alagad na kanyang sinugo na mauna sa kanya (Luc.10:1-9).
Tayo ang mga iyon sa panahong ito, tayong mga nakatatanda na dapat puno ng alab para sa Panginoon at Kanyang mabuting balita na hatid sa lahat na sa panahong ito ay litong-lito maski na sagana sa mga bagay na materyal.
Tayo ang inaasahan ni Hesus na gagabay sa maraming naliligaw ng landas, lalo na mga kabataan na ibig siluin at lapain ng mga nagkalat na “asong-gubat” sa gitna ng saganang anihin.
Tayo ang mga makabagong San Timoteo at San Tito, dalawang banal na nagparubdob ng alab para sa Diyos sa pagpapahayag nila noon sa salita at gawa na “Nalalapit na ang paghahari ng Diyos sa inyo” (Luc. 10:9) dahil sila rin mismong dalawa ay naranasan ang sigasig sa pananampalataya ng kanilang mga magulang at ninuno noon. Amen.