360 total views
Suportado ng prison ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang plano ng Bureau of Corrections hinggil sa paglilipat sa New Bilibid Prison sa mas malaking lugar.
Ayon kay Legazpi Bishop Joel Baylon, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (ECPPC) na magandang panukala ito upang maibsan ang suliranin ng pagsisiksikan ng mga persons deprived of liberty (PDLs) sa mga bilangguan.
“Regarding the plan to move to a bigger place for our PDLs to decongest our existing jails and prisons, definitely that is a most welcome idea and we fully support it,” pahayag ni Bishop Baylon sa Radio Veritas.
Lumikha nang task force o committee ang BuCor upang pag-usapan at pag-aralang mabuti ang binabalak na paglilipat sa NBP sa mas malaking lugar sa Fort Magsaysay Military Reservation sa Nueva Ecija.
Kasalukuyan namang sinusuri ng Department of Justice ang panukala para sa NBP at nakikipag-ugnayan na rin sa Malacañang tungkol dito.
Hinihiling naman ni Bishop Baylon na nawa’y magpatuloy ang mga ganitong uri ng gawain at pagkilos ng BuCor at pamunuan ng NBP para sa kapakanan at kaligtasan ng mga nasa bilangguan.
“Sana nga magpatuloy ang pagpapatupad ng mga efforts tulad nito in behalf of our sisters and brothers in prison,” saad ni Bishop Baylon.
Taong 2019 nang imungkahi ng nakakulong na si Senator Leila de Lima ang pagtatayo ng ‘mega prison’ upang matugunan ang lumalalang siksikan ng mga bilanggo sa NBP.
Batay sa tala, nasa higit-28 libo ang kasalukuyang bilang ng mga bilanggo sa NBP, higit na mas malaki kumpara sa ideal capacity nito na 6,000.