210 total views
Kapanalig ayon sa Laudato Si, “Lack of housing is a grave problem in many parts of the world, both in rural areas and in large cities, since state budgets usually cover only a small portion of the demand. Not only the poor, but many other members of society as well, find it difficult to own a home. Having a home has much to do with a sense of personal dignity and the growth of families.”
Ang pabahay ay kadikit ng ating dignidad. Sa ating tahanan tayo nakakakuha ng proteksyon mula sa karahasang umiiral sa mundo, at sa tahanan din tayo kumukuha ng lakas upang maharap ang lahat ng ito. Kaya lamang ang pabahay kapanalig ay isang madalang at mailap na kayamanan sa ating bansa. Kayamanan ito kapanalig dahil tila ang mayayaman na lamang ang nakakakuha ng sariling disenteng bahay sa ngayon.
Magkano ba ang pabahay at magkano ba ang sweldo na natatanggap ng karaniwang pamilya sa ngayon? Ayon sa National Wages and Productivity Commission, nasa P500 hanggang 537 ang minimum wage sa NCR. Mas mababa pa ang halaga nito siyempre, sa mga probinsya. Ang halagang ito, no contest, ay napakababa. Sa katunayan, ayon sa Picodi, ang karaniwan o average na sweldo sa ating bansa ay isa sa pinakamababa sa buong mundo. Pang 91 tayo sa 106 na bansa na kanilang na-survey noong Agosto 2020.
Kung ating ikukumpara naman ang minimum wage na sahod sa halaga ng bahay, mahihirapan makabili ang ating manggagawa ng tirahan na sakto sa kanyang pangangailangan. Sa konting pagtitipid maari siyang makabili ng economic housing sa tulong ng PAG-IBIG may halaga ng mga P450,00 to P500,000. Kaya lamang, kadalasan malayo ito sa kanyang trabaho sa siyudad. Kung makabili siya dito, kahit mura ang pabahay, tataas naman ang kanyang cost of living at maapektuhan pati ang kalidad ng kanyang buhay dahil tataas naman ang kanyang pamasahe at kakain ng mas mahabang oras at pagod ang kanyang biyahe.
Kapanalig, kailangan natin na magawan ng paraan ang pabahay ng ating mga mamamayan sapagkat ang pag-iral ng ganitong sitwasyon ay nagnanakaw ng dignidad. Bulnerable ang mga bata at kababaihan sa kawalan ng pabahay. Ang pabahay, particular na ang safe housing, ay panlaban sa sexual assault at violence, ayon sa Cities Alliance. Habang walang access ang mga bata at kababaihan, ninanakawan natin sila ng dignidad.
Ayon nga sa National Anti-Poverty Commission, free and decent housing for the poor is a state obligation. Sana, sa darating na bagong administrasyon, maiprayoridad na ang pabahay para sa maralita.
Sumainyo ang Katotohanan.