305 total views
Kapanalig, painit na ng painit ang politika sa ating bayan ngayon. Ang presidential elections, bumabatingaw na sa ingay – sunod sunod na ang mga presidential interviews at debates. Kay iingay na rin ng mga boses ng ating mga mamamayan – kanya-kanyang depensa sa kanilang mga kandidato ngayong darating na eleksyon.
Kapanalig, ang ating aktibong pakikilahok sa proseso ng eleksyon ay nakatatak sa ating Konstituyon. Karapatan nating lahat ang pagkakaroon ng epektibo at risonableng partisipasyon sa pag-gawa ng mga desisyong panlipunan, pang-politikal, at pang-ekonomiya. Kaya ang boses natin ay mahalaga tuwing eleksyon. Tayo ang magbubuo ng balangkas ng ating pamahalaan sa pamamagitan ng pagpili ng mga lider na kakatawan ng ating mga mithiin.
Nag-iiba ang political landscape ngayon dahil hindi tulad ng dati, hindi lamang nasa grassroots ang labanan, nasa digital platforms na rin ito. Sa katotohanan, maaring mas nakatuktok na ngayon, partikular na ang mga national candidates, sa mga digital platforms para magkampanya. Maliban kasi sa marami na ang maabot ng mga internet ads, may banta pa rin ng COVID-19 na hindi natin maaring masawalang bahala.
Tinatayang umabot ng halos 62 milyon ang mga botante ngayong eleksyon. At sa bilang na ito, nasa 31.41 million ang edad 18-40 years old. Halos kalahati ng boto ay manggagaling sa age bracket na ito, na tinataguriang youth vote. At kapanalig, pihado na halos lahat na ito ay internet savvy, at marami sa kanila ay online. Ayon nga sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), 73.9% ng mga Filipinos may edad 10 hanggang 64 ay gumagamit ng Internet para sa social media. Ayon naman sa Digital2021 Report, ang median age ng mga internet users sa ating bansa ay 25.8. Sampung oras din nakababad ang mga Filipino sa Internet, at mahigit apat na oras nito ay nasa social media. Hindi na natin matatatwa, digital na ang labanan ngayon.
Kaya kapanalig, lalo na sa hanay natin na nais magbahagi pa ng voter’s education, kailangan nating mas maging maigting din ang ating pagbabahagi ng kaalaman ukol sa pagboto. Mas bata na ang bumubuo ng malaking bahagi ng electorate, at kailangan nating masigurado na sila ay may kakayahan at kalayaang pumili. Ang kakayahang ito ay hindi lamang para sa mga kandidato, ito ay para sa kinabukasan ng bayan.
Kapanalig, kailangan nating masigurado na hindi lamang puro ingay at pagbabatikos ang ating ginagawa sa social media. Kailangan nating masigurado na mauunawaan ng lahat na ang ingay na ito ay bahagi ng isang malalim na value o pinahahalagahan na kay dali nating laging malimutan – ang demokrasya. At ayon sa Economic Justice for All – “In a democracy, government is a means by which we can act together to protect what is important to us and to promote our common values.” At kung ang pipiliin natin ay taliwas ang pinahahalagahan, hindi natin tunay nauunawaan o naisapuso ang saysay o esensya ng halalan.
Sumainyo ang Katotohanan.