297 total views
Hinimok ng Opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga magulang na pabakunahan na ang mga anak na nasa edad lima hanggang 11 taong gulang bilang proteksyon laban sa COVID-19.
Ayon kay Pagadian Bishop Ronald Lunas, Chairman ng CBCP – Episcopal Committee on Basic Ecclesial Communities, bagamat muling bumababa ang kaso ng COVID-19 ay marami pa ring komunidad ang may mataas na hawaan.
Kaya sinabi ni Bishop Lunas na mahalagang pabakunahan na ang mga bata nang makaiwas mahawaan at magkakaroon ng malalang sintomas ng virus.
“Vaccination is perceived as one of the means to prevent a severe effect of COVID-19. Even Pope Francis considers receiving vaccines as an act of charity to others, even to ourselves,” pahayag ni Bishop Lunas sa Radio Veritas.
Iguniit naman ng Obispo na patuloy na iginagalang ng Simbahan ang desisyon ng mga ayaw pa ring makatanggap ng bakuna.
Ngunit, paalala ni Bishop Lunas na dapat pa ring maging maingat ang publiko upang maiwasan ang mahawaan at makahawa ng virus.
“While one’s decision is respected and we don’t discriminate against people, we encourage all to be extra careful and loving,” ayon sa Obispo.
Magsisimula na bukas, February 4 ang vaccination rollout para sa 15-milyong populasyon ng mga batang nasa edad lima hanggang 11.
Ang Pfizer COVID-19 vaccine pa lamang ang binigyan ng emergency use authorization ng Philippine Food and Drug Administration upang ipamahagi sa nasabing age group.
Batay naman sa ulat ng Department of Health, naitala ang 7,661 na panibagong kaso ng mga nahawaan ng COVID-19 habang nasa 160,297 ang aktibong kaso.