284 total views
Ang climate change ay mapanganib. Ramdam na ramdam natin ang mga epekto nito. Sa katunayan, ayon sa isang report, ang ating bansa ang pinaka- at risk mula sa climate crisis na ito.
Pero alam mo ba kapanalig, ang climate change ay hindi rin gender-neutral? Lahat tayo ay naapektuhan nito pero iba ang epekto nito sa boys and girls, at sa men and women. Ang pangunahing dahilan nito ay dahil na rin sa magkaka-ibang roles o papel pati na rin responsibilidad natin sa ating bahay at komunidad.
Sa ating mga kanayunan o probinsya, kapanalig, maoobserbahan natin ito. Makikita natin, halimbawa ang mga nanay na doble kayod – trabaho sa bahay, trabaho rin sa labas, sa sakahan, sa mga maliliit na negosyo, at sa iba pa. Sabay ng trabaho na ito, dala dala nila ang kanilang mga anak. Sabay ng trabaho at pag-aalaga ng anak, sila rin ang nakatoka sa pangangalaga ng bahay, na reliant o nakadepende sa natural resources, gaya ng tubig o sa init ng araw. Ang mga extreme weather changes gaya ng sobrang tag-init o sobrang ulan ay nakakapigil o nakaka-aabala sa kanilang mga gawain sa bahay, na pundamental sa gawain o obligasyon ng lahat ng kasama sa bahay.
Pag dumating naman ang sakuna, at kailangan lumikas ang mga mamamayan, mas hirap din ang mga babae. Kadalasan, agawan sa mga palikuran o CR sa mga evacuation centers. Ang babae, hirap na hirap makipagsiksikan dito. Wala silang privacy, at kung meron man, minsan wala silang mapag-iwanan ng kanilang anak kapag kailangan nilang pumunta sa palikuran.
May pag-aaral din na nagsasabi na mas maraming namamatay na babae sa tuwing may natural na sakuna. Ayon nga sa UNDP, ang mga babae at bata ay 14 times more likely than men to die during a disaster.
Kapanalig, kailangan ng pagbabago sa sitwasyon na ito – wala dapat maiiwang bulnerable na kahit sino man sa ating hanay sa ano mang sitwasyon. Kailangan masiguro ng ating lipunan na makabuluhan at pangkabuuhan ang ating tugon sa problema ng climate change at ng mga epekto nito sa lahat ng mamamayan, lalo na sa mga higit na bulnerable gaya ng babae at bata.
Isang mainam na hakbang dito ay ang pagbubukas ng pinto sa mas maraming kababaihan para sa partisipasyon, diskusyon, at pagdedesisyon ukol sa mga hakbang laban sa climate change. Sa community level, magiging mabunga ang pagbubukas na ito dahil malalaman natin ang tunay na epekto ng climate change sa hanay ng mga kabahayan. Ito ay pagkilala rin sa angking dignidad ng mga kababaihan at sa halaga ng kanilang boses sa lipunan. Kung wala ang tinig ng kababaihan sa mahahalagang isyu ng lipunan, laging kulang ang ating solusyon. Ayon nga sa Pacem in Terris – ang lipunan, kung nais natin itong maging maayos at produktibo, ay dapat kilalanin ang dignidad ng lahat ng tao.
Sumainyo ang Katotohanan.