177 total views
Mga Kapanalig, sa Banal na Bibliya, inilagak sa atin ng Panginoon ang tungkuling maging mabuting tagapangasiwa ng kalikasan. Ito ang matutunghayan natin sa kuwento ng paglikha sa aklat ng Genesis. Ang propetang si Isaias naman ay may ganitong babala sa mga hindi tumutupad sa tungkuling ito: “Sinira na ang daigdig ng mga naninirahan dito dahil sinuway nila ang katuruan ng Diyos… Kaya susumpain ng Diyos ang daigdig, at magdurusa ang mga tao dahil sa kanilang kasamaan, mababawasan ang mga naninirahan sa lupa; kaunti lamang ang matitira sa kanila.”
Ngunit balewala ang ganitong mga paalala at babala para sa mga walang pagpapahalaga sa kalikasang para sa kanila ay mapagkukunan ng pansariling kayamanan. Habang nakatutok ang ating atensyon sa nagpapatuloy na pandemya at habang inaatupag ng mga lider natin ang pangangampanya para sa darating na eleksyon, maraming nangyayaring pagsira sa likas-yaman ng ating bansa na gawa ng mga sakim at sariling interes lamang ang iniisip.
Isa na rito ang isang blacksand mining project sa diumano’y pagmamay-ari ng alkalde ng bayan ng San Felipe sa probinsya ng Zambales. Humihingi ngayon ng suporta sa publiko ang mga miyembro ng Save Zambales Kalikasan Movement (o SZKM) para sa kanilang petisyong itigil ang pagpapatayo ng isang pribadong jetty port na anila ay para sa blacksand mining project doon. Pinalalabas ng lokal na pamahalaang ang daungan ay bahagi ng creek rehabilitation at flood control project nito, ngunit sa pagsisiyasat ng SZKM, ito ay walang legal na basehan, hindi dumaan sa konsultasyon sa mga residente, at walang kaukulang environmental impact studies. Kinikuwestyon din ng grupo ang mga contractors na nagtatayo ng jetty port dahil hindi raw matagpuan sa Securities and Exchange Commission ang mga papeles nito, at napili sila ng lokal na pamahalaan nang hindi dumadaan sa tamang bidding and awarding processes.
Higit sa legalidad ng proyekto, ang higit na ikinababahala ng SZKM ay ang pinsalang idudulot ng jetty port at ng mismong blacksand mining project. Anila, iibahin ng paghuhukay na ginagawa sa kanilang ilog ang daloy ng tubig na magdudulot naman ng pagkasira ng marine habitats at pagkawala ng mga likas-yaman doon. Sisirain din nito ang kalidad ng tubig at hangin, at magbubunga ng polusyong makagagambala sa mga hayop. Sa huli, ang mga kababayan nating umaasa sa pangingisda sa bahaging iyon ng Zambales ay mawawalan ng kabuhayan. Apektado na nga sila ng pandemya, masisira pa ang pinagkukunan nila ng pagkain at pansuporta sa kanilang pamilya. Kapag matapos ang daungan, pinangangambahan nilang hindi na magiging madali para sa kanilang pumalaot. Sa pagdagsa ng mga barko, tiyak na tatagas sa dagat ang delikadong mga kemikal at gasolinang lalason sa mga isda at iba pang lamang-dagat.
Ang ganitong pangmatagalang epekto ng mapanirang pagmimina ay hindi isinasaalang-alang ng mga negosyante at maging ng mga pulitikong kasabwat nila. Dapat nang buwagin ang paniniwalang magdadala ng benepisyo ang pagmimina, dahil katulad ng nakita na natin sa napakaraming proyekto sa bansa, pangmatagalang pagkasira ang iniiwan ng mga ito hindi lang sa kalikasan kundi sa buhay ng mga tao. Wika nga ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Laudato Si’, ang halaga ng pinsalang dulot ng kawalan ng malasakit sa kalikasan ay higit na malaki kaysa sa mga benepisyong pang-ekonomiya na makukuha natin sa mga malalaking proyektong katulad ng minahan.
Mga Kapanalig, hindi lamang ang mga taga-San Felipe ang nananawagan ng suporta para sa kanilang laban upang matigil ang mga mapaminsalang proyektong katulad ng isinasagawa sa kanilang lugar. Marami pang katulad nilang matapang na bumabangga sa mga makapangyarihan. Sa ating may kakayahan at kakayanan, idagdag natin ang ating boses sa kanilang panawagan dahil sa huli, tayong lahat ang sisingilin ng kalikasan.